Home OPINION ANG TULAY NG MAGABI AT ANG AKSIDENTE NANG NAKARAAN (PART 1)

ANG TULAY NG MAGABI AT ANG AKSIDENTE NANG NAKARAAN (PART 1)

MARAMING tulay at daan sa Indang, Cavite ang kinatatakutan lalo pagsapit ng gabi dahil umano sa mga pagpaparamdam at pagpapakita ng mga ligaw na kaluluwa o tagabantay sa lugar.

Noong nakaraan ay itinampok natin ang aking isinulat na artikulo sa naunang kwentong katatakutan sa tulay ng Italaro, ngayon naman ay isa na namang kwentong katatakutan sa isa pa ring tulay.

Sa ikalawang pagkakataon ay isa na namang tulay ang ginawan ko ng artikulo, ito ay ang tulay ng Magabi sa hangganan ng Brgy. Tambo Munti Kulit at Brgy. Lumampong Balagbag sa Indang, Cavite.

Taga-Brgy. Daine 2 sa Indang, Cavite ang lahi ng aking butihing Inay kaya kapag may okasyon ay umuuwi kami roon ngunit sa aking personal na karanasan ay tila kakaiba talaga sa pakiramdam kung daraan sa tulay ng Magabi pagsapit ng gabi.

Siguro dahil sa sobrang dilim sa lugar at mahaba ang daan na walang bahayan, dagdag pa ang mga puno sa paligid at dalisdis kaya ganoon ang pakiramdam. Hindi lang ako ang may ibang naramdaman  maging ng iba na dumadaan doon kapag dis-oras ng gabi.

Minsang umuwi kami noon sa Daine dahil piyesta at kinagabihan ay nagkayayaan na rin  kaming umuwi pabalik sa amin sa bayan dahil may sarili namang sasakyan ang mga kamag-anak na kasama naming namyesta.

Habang umaandar ang sasakyan ay masaya naman ang kwentuhan namin datapwa’t nang malapit na kami sa tulay ng Magabi ay biglang tumahimik at natigilan ang isa sa mga kamag-anak namin na nagkukwento ng oras na iyon.

Nagtaka kaming lahat kung bakit siya biglang natigilan at nakatitig lamang sa tulay na parang maluluha na ang kanyang mata. (May karugtong)

 

 

 

Previous articleMATAAS NA KASO NG BULLYING AT CYBERBULLYING SA MGA PAARALAN
Next articleLotto Draw Result as of | November 10, 2023