
NANG makalampas kami ng tulay at nakarating ng kanto
ng Tambo Munti Kulit ay saka pa lamang siya nagsalita at
sinabing hindi ba ninyo nakita ang isang “Black Lady” na
nakatungtong sa barandilya ng lumang tulay na bakal at
nakatingin diumano sa amin.
Ayon sa kamaganak ko na si Jasmin, 44, black lady ang
kanyang nakita na diumano ay masama ang tingin sa
amin, mapula ang mga mata nito, makapal ang kilay at
magulo ang mahabang buhok nito.
Samantala, isa namang kaibigan ko ang nakapanayam ko
na tawagin na lang nating si Dave Olevon, 39, ng Brgy.
Daine 2 sa Indang, Cavite na nagbahagi rin ng kwentong
katatakutan patungkol sa tulay ng Magabi.
Ayon sa kanyang salaysay, nangyari ang kakaibang
karanasan niya noong ginagawa ang tulay ng Magabi
para maging konkreto na ito.
Ang kapatid niya ang isa sa mga nagtrabaho noon sa
ginawang konkretong tulay ng Magabi, stay-in sa lugar
ang kapatid niya at mga katrabaho nito.
Mula sa kanilang ginawang tigilan at tulugan na hindi
kalayuan sa tulay ay minsang pagsapit ng gabi ay
nakaririnig sila ng boses ng matandang lalake at bata na
nag-uusap sa ilalim ng tulay sa dis-oras ng gabi.
Minsang lumabas daw ang isa sa matapang na katrabaho
ng kapatid niya para tingnan ang nadirinig na boses dahil
hindi raw siya natatakot subalit matapos iyon pagbalik sa
kanilang ginawang tuluyan at tulugan ay nagpantal-pantal
na ang buong katawan at mukha at inapoy na ng lagnat
ng gabing iyon ang katrabaho ng kanyang kapatid.
Kaya matapos ang pangyayaring iyon ay mas naniwala na
raw ang kanyang kapatid at mga katrabaho nito na
mayroon ngang ibang nakatira o nakabantay sa tulay ng
Magabi.
Idinagdag pa ni Dave, iyon daw isang katropa niya ay
sumundo sa bayan sa asawa na pauwi ng Daine galing sa
trabaho ngunit pagdaan nila ng tulay ng Magabi ay
nakarinig sila ng boses na bumulong sa kanilang mga
tenga kaya nagmabilis sila sa paglakad para makalayo
agad ng tulay at iyon na ang simula nang ikinatakot ng
mag-asawa sa tuwing dadaan sila sa tulay pagsapit ng
dilim. (May karugtong)