KAYA ba ng Angat dam ang “The Big One” na inaasahang mangyayari anomang araw sa ating panahon at tatama sa Mega Manila na binubuo ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite?
Isang mahalagang katanungan ito kaugnay ng naganap na lindol sa Turkey at Syria, at isama na rin ang Cabanatuan City-Baguio City noong Hulyo 16, 1990.
Para malinaw, hindi lang sa Turkey at Syria nangyari ang lindol na magnitude 7.8 kundi sa Cabanatuan-Baguio.
Mahalaga ang katanungan dahil, diretsuhin na natin, hanggang magnitude 7.2 lang ang napauulat na kaya ng Angat dam na harapin.
Sa ibang salita, paano kung higit sa magnitude 7.2 ang ‘The Big One’ na tatama sa dam?
Ang ‘The Big One’ na posibleng tumama sa West Valley Fault na may magnitude 7.2 ay konektado sa Angat dam.
Ipinagmamalaki ng mga gumawa na lokal na kompanya at dayuhang partner nito na tapos na ang repair at paglalagay ng pampalakas, gaya ng dike, sa mga parte ng dam na nangangailangan nito.
Isinagawa ang repair at pagpapalakas sa dam sa nakalipas na pitong taon.
Ang tanong sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, eh, hanggang magnitude 7.2 lang ba ang The Big One at kung ganoon, eh, kayang tapatan ng Angat dam na may lakas laban sa magnitude 7.2?
Kung ako ang inyong tatanungin, hindi makatitiyak dito ang Phivolcs kundi pagtaya lang na maaaring kulang o higit sa magnitude 7.2 ang lakas ng lindol ng The Big One.
Ngayon, nasaan na ba ang seryosohan na magkakasama ang maraming mamamayan at pamahalaan sa mga pagsasanay laban sa The Big One, partikular sa mga lugar sa Bulacan na babagsakan at dadaluyan ng tubig ng Angat dam sakaling magiba ito?
Ayon kay dating Bulacan Governnor Wilhelmino Alvarado, maaaring ikamatay ng nasa 100,000 na taga-Bulacan ang 30 metrong taas ng tubig mula sa Angat dam kung magiba ito.