Home METRO Anibersaryo ng EDSA People Power ginunita sa kilos-protesta vs Cha-cha

Anibersaryo ng EDSA People Power ginunita sa kilos-protesta vs Cha-cha

MANILA, Philippines- Nagtipon ang ilang organisasyon nitong Biyernes upang gunitain ang ika-38 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kilos-protesta kontra Charter change o Cha-cha.

Sa ulat, ipinanawagan ng mga grupo ang pagbasura sa Cha-cha proposals at binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-alala ng legasiya ng EDSA.

“When we celebrate and claim the victory of EDSA, necessarily kasama doon ang Constitution at ‘yung pananagutan at commitment na depensahan ito,” pahayag ni dating Presidential Adviser on the Peace Process Ging Deles.

Sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na nagmula ang 1987 Constitution sa EDSA 1.

“Ito ay isang legacy na kailangan i-cherish at ma-defend ng mga Pilipino laban sa current distortion ng history at dun sa gustong i-repeat ang catastrophic era sa ating bansa,” pahayag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.

Sa loob ng apat na araw, mula February 22 hanggang 25, winakasan ng 1986 EDSA People Power Revolution ang administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Bago sumapit ang EDSA anniversary, nagprotesta rin ang womens’ group Babae Para sa Inang Bayan (BPIB) laban sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.

“Tugunan ‘yung hinaing ng mga mamamayan sa kanilang karapatan na mabuhay, sahod sa manggagawa, pagwawakas ng contractualization,” giit ni BPIB Convenor Judy Taguiwalo.

Nitong Huwebes, nagwelga rin ang ilang grupo sa Commission on Elections (Comelec) bilang pag-alala sa EDSA People Power Revolution at pagtutol sa isinusulong na Cha-cha.

“Hindi natin matiyak kung gaano kalakas ang ‘underground works’ na mangyari at baka bigyan nila ng halaga ang tinatawag nating pekeng peoples initiative,” pahayag ni Bishop Colin Bagaforo.

“Kailangan manindigan tayo,” dagdag niya.

Sa Linggo, February 25, kasado ang mas malaking EDSA People Power Anniversary rally sa kahabaan ng Ayala Avenue, kung saan itatampok ang countdown para sa exile ng pamilya Marcos. RNT/SA

Previous article‘Z benefit’ para sa breast cancer patients itinaas ng PhilHealth sa P1.4M
Next article250 pamilya apektado ng sunog sa Muntinlupa