MANILA, Philippines – Bumaba sa minimum operating level ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ngayong Sabado ng umaga, ayon sa datos ng PAGASA.
Alas-6 ng umaga, ang reservoir water level (RWL) sa dam ay nasa 179.99 metro na lamang na mas mababa sa 180-meter minimum operating level.
Ang normal na high water level (NHWL) o spilling level ng Angat Dam ay nasa 210 metro, kaya ang RWL ng Sabado ay 30 metro na masa mababa kaysa rito.
Sinabi ng National Water Resources Board nitong Huwebes na babawasan pa nito ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila at irigasyon para sa mga kalapit na probinsya sakaling bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa minimum operating level nito na 180 metro.
Mahigit 90% ng suplay ng tubig sa Metro Manila ay mula sa Angat Dam.
Sinabi naman ng opisyal ng MWSS na maaapektuhan ang nasa 591,000 indibidwal bunsod ng nagbabadyang arawang water service interruption.
“Ang bilang ng mga oras ng pagkaantala – 7 p.m. hanggang 4 a.m. (siyam na oras)… mas mababa iyon kaysa sa 14 hanggang 16 na oras na interruption noong Abril 2023,” anang MWSS. RNT