Home OPINION ANYARE SA UNITY?

ANYARE SA UNITY?

Akala ko ba “unity” o pagkakaisa? ‘Yan ang campaign slogan ni Bongbong Marcos at at ni Inday Sara noong panahon ng kampanya  sa national elections 2022. Pag-iisahin daw nila ang Pilipinas, at ang pagsasama ng Solid North at ng Strong South ang magdadala ng kaunlaran sa Pilipinas.

Presidente at Bise-Presidente na sila ngayon, pero hindi mo mararamdaman na magkatono sila sa mga prayoridad at direksyon ng pamamahala ng bansa.

Ang pinakahuling ebidensya ay ang pinalabas na pahayag ni VP Sara Duterte  na hindi siya naniniwala na dapat ituloy ang usaping pangkapayapaan o “peace talks” sa mga rebeldeng grupo.   Tinawag pa nga n’yang kasunduan sa demonyo o “a pact with the devil” ang inilabas na joint communique ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.

Para na rin ipinahiya ni VP Sara si President BBM.   Sana naman, pinadaan na lang n’ya sa isang memo o kaya ay pasimpleng sulat o direktang bulong sa gaganapin pulong ng kabinete.

Pero hindi ito ang unang beses na direktang meron tunggalian ang dalwang pinaka-mataas na lider ng bansa.  Nagsimula ang lahat nang pumutok ang isyu na papalitan ang liderato ng Kongreso, kung saan si Rep. Martin Romualdez ang Speaker.   Diumano, nakarating sa Malacanang ang plano na patalsikin si Romualdez para dagdagan ang pressure kay PBBM na sumunod sa mga political agenda ni VP Sara at ni dating Pangulong Duterte.

Pero nasawata ito at mukhang ang lamat sa relasyon ng “unity” ay nagiging malaking bitak at bangin na nga.   Ang mga resibo ay malinaw.   Pinakawalan si dating senador Leila de Lima.   Naging bukas na ang gobyerno na papasukin ang International Criminal Court sa Pilipinas para mag-imbestiga.   Binaliktad na ang polisiya natin sa mga usapin ng West Philippine Sea at mas agresibo tayo laban sa China.

Alam naman ng marami na magbabago ang mga tugtog at sayawan sa politika para sa 2025 na election.  Hindi lang inaasahan na ganito kaaga at hindi pa nga tapos ang 2023, ay guguho na ang pangako noong kampanya.

Akala ko ba “unity”, Anyare?

 

 

Previous articlePEACE TALK KAILANGAN NGA BA?
Next articlePNP ANTI-DRUG OPERATIONS TUTUKAN