Home HOME BANNER STORY Aparri mayor, iba pa pinangalanang persons of interest sa pagpatay sa vice...

Aparri mayor, iba pa pinangalanang persons of interest sa pagpatay sa vice mayor

MANILA, Philippines – Kabilang ang alkalde ng Aparri, Cagayan na si Mayor Bryan Dale Chan sa mga pinangalanang persons of interest ng Philippine National Police sa pagpatay kay Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero.

Sa Senate inquiry, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Arbel Mercullo na si Chan at iba pang may kaugnayan dito ay sinisilip nang POIs sa pananambang.

Tinanong naman ni Senador Raffy Tulfo kung si Chan ay damay bilang POI sa posibilidad ng anggulong politikal, tugon ni Mercullo: “Yes sir.”

Nagpatuloy si Tulfo at si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagtatanong kung paano nakabilang ang iba pa na POIs sa pagpatay.

Ani Mercullo, isa sa persons of interest ay ang bodyguard ng alkalde habang ang iba ay may kaugnayan din sa alkalde.

Aniya, si Darren Cruz Abordo ang may-ari ng get-away vehicle.

Sinabi naman ni Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na hindi na mahagilap si Abordo.

Nang tanungin naman si Chan kung nasaan na ang iba pang POIs, sinabi niya na kasama niya ang iba sa kanila sa Senado.

Hindi naman niya kilala ang dalawa sa mga POIs na binanggit ni Mercullo.

Kasabay ng pagdinig, sinabi ng biyuda ni Alameda na si Elizabeth Alameda na pinagbantaan ni Chan ang mga taong naghain ng kaso laban sa kanya, kabilang na ang kanyang asawa.

Inalala niya na sa isa sa mga pagpupulong ni Chan, binanggit ng alkalde sa mga empleyado niya na kung siya ay maaalis o masususpinde sa pwesto ay babalikan niya ang mga naghain ng kaso laban sa kanya.

Itinanggi naman ni Chan ang naturang alegasyon.

“Wala po akong sinabi, sir,” ani Chan.

Matatandaan na si Alameda at lima iba pa ay napatay nang tambangan ang sinasakyan nilang van sa Nueva Vizcaya noong Pebrero. RNT/JGC

Previous articleMWP naaresto sa Sta. Ana
Next articleNTC naglunsad ng online platform sa license, permit processing