Home NATIONWIDE Apektadong residente ng Mindoro oil spill kinuha sa Brigada Eskwela

Apektadong residente ng Mindoro oil spill kinuha sa Brigada Eskwela

MANILA, Philippines – Kumukuha ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga unemployed individual mula sa oil spill-affected towns sa Mindoro upang tumulong sa paghahanda ng mga paaralan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Nakaayon pa rin ito sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE katambal ang Department of Education (DepEd) Brigada Eskwela program, sinabi ni Rhyme Torres, senior labor and employment officer sa DOLE-4B (Mimaropa).

Ani Torres, ang mga nakuha sa ilalim ng TUPAD program ay itatalaga sa pagsasagawa ng manual tasks na hindi naman mahirap, katulad ng minor repairs sa mga kagamitan sa paaralan, pagpintura sa mga klasrum at general cleaning chores.

Sa Pinamalayan, isang coastal municipality, nasa 123 aplikante ang tinanggap sa TUPAD program at nakatakda nang magsimula sa trabaho ngayong araw, Agosto 17, sa mga naitalaga sa kanilang mga pampublikong paaralan.

Bibigyan sila ng temporaryong trabaho na tatagal ng 10 araw kung saan makatatanggap sila ng P355 kada araw, o P3,550 na sahod sa kabuuan, na nagrerepresenta sa kasalukuyang minimum wage sa Region 4B.

Ayon kay Torres, ang mga nakuha sa naturang TUPAD program ay hindi lamang mga mangingisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa oil spill, kundi maging ang iba pa na nangangailangan ng short-term jobs.

Ipinaliwanag niya na maraming mga mangingisda ang nagbalik na sa pamamalaot dahil inalis na ang fishing ban sa maraming mga bayan.

Sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE, magbibigay ng trabaho para sa minimum period na 10 araw, at hindi tatagal sa 30 araw, sa mga lalaki at babae edad 18 hanggang 75 taong gulang.

Sa naunang panayam, sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad na ang paglulunsad nila ng short-term job opportunities at “training cum production” activities ay paraan ng pamahalaan sa mga apektado ng oil spill dulot ng lumubog na MT Princess Empress sa dagat na sakop ng Naujan, Oriental Mindoro.

Nagdulot ito ng malawakang oil spill dahil sa kargang 900,000 litro ng langis noong Pebrero 28. RNT/JGC

Previous articleMakati-Taguig school ownership row ‘di pakikialaman ng DepEd
Next articlePH Soft Tennis Team may patutunayan sa Asian Games