Home NATIONWIDE Apela ng SMNI sa 2 suspended programs, ibinasura ng MTRCB

Apela ng SMNI sa 2 suspended programs, ibinasura ng MTRCB

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong Biyernes, Enero 26 na ibinasura nito ang apela ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa suspensyon ng dalawa sa mga programa nito.

Matatandaan na naghain ng mosyon ang SMNI na humihiling sa MTRCB na alisin na ang suspensyon sa “Gikan sa Masa, Para sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan,” sa paggigiit na nilalabag nito ang freedom of speech, freedom of expression of the press, at due process ng batas.

“After a meticulous scrutiny of the matters raised in the respective motions, however, the MTRCB concluded that they merely reiterated points already raised in the position papers submitted earlier,” saad sa pahayag ng MTRCB.

Wala pang tugon ang SMNI kaugnay nito.

Ang desisyon ng MTRCB na suspendihin ang dalawang programa ay dahil sa kabi-kabilang reklamo sa pagbabanta nito o death threats, at mga ‘profane language na binibitawan ng host ng Gikan sa Masa, Para sa Masa.

Naglabas na ito ng babala sa network makaraang maibasura ang inisyal na reklamo.

Sa kabila nito, patuloy na nakatatanggap ng reklamo kaugnay sa naturang programa.

Umabot sa punto na kailangan nang patawan ng 14-day suspension ang dalawang programa noong Disyembre 2023.

Noong Enero 3, nag-isyu ang MTRCB ng desisyon na nakitang nilabag ng SMNI ang Presidential Decree 1986 at Implementing Rules and Regulation nito, dahilan para patawan ang network ng 28 days suspension, kabilang ang inisyal na 14 araw.

“MTRCB’s mandate is to protect viewers from inappropriate content, more so on Television where viewers of all ages have unadulterated access. Grounded in the principles of due process and fairness, our resolve to enforce accountability in media content regulation is resolute,” ayon kay MTRCB Chairperson Lala Sotto.

Samantala, nitong Martes, ipinag-utos ng National Telecommunications Commission sa Swara Sug Media Corporation, operator ng SMNI, na itigil na ang operasyon nito. RNT/JGC

Previous articleDeath toll sa shear line, 18 na – NDRRMC
Next articleRomualdez bumwelta sa toxic rhetoric sa PI: Magtrabaho kayo