Home METRO Arestadong kawatan sa Navotas, wanted din pala sa Malabon

Arestadong kawatan sa Navotas, wanted din pala sa Malabon

MANILA, Philippines – SA pag-aakalang makalalaya na siya sa kasong pagnanakaw na kinasangkutan nito, bigo ang isang lalaking arestado matapos matuklasang kabilang pala ito sa mga wanted person na matagal nang pinaghahanap ng Malabon-PNP.

Si Brian Gallerie, walang trabaho at residente ng Phase 2, Area 2, Brgy. Dagat-Dagatan, Navotas, ay unang naaresto nitong nakaraang araw hinggil sa kasong pagnanakaw sa nasabing lungsod.

Subalit habang nakakulong sa Custodial Facility ng Navotas PNP si Gallerie, nagpahanap ito ng piyansador sa kanyang kaanak upang makapaglagak ng piyansa para pansamantala nitong paglaya.

Ngunit nang suriin ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section, natuklasan na mayroon palang iba pang nakabimbing kaso ang suspek kung saan kabilang ito sa talaan ng mga Most Wanted Person ng pulisya ng Malabon.

Dahil dito, isinilbi ang warrant of arrest na inilabas ng hukuman
laban kay Gallerie sa mismong custodial facility ng punong himpilan ng Navotas police.

Si Gallerie ay sinampahan ng kasong murder base sa ipinalabas na warrant of arrest ni Judge Cristina Cornejo ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 150.

Mananatili sa kostodiya ng Navotas si Gallerie habang hinihintay ang ilalabas na kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamanatalang kalayaan ni Gallerie. Merly Iral

Previous articleManila Bay mandamus ruling isaalang-alang sa reclamation projects – DENR chief
Next articleTiangco brothers, nanguna sa work performance poll