Home METRO Arsonistang ‘praning’ todas sa babaeng parak

Arsonistang ‘praning’ todas sa babaeng parak

Image Representation Only

Bulacan – Dedbol ang 54-anyos na mister matapos tangkain sunugin ang kanyang asawa at saksakin ang babaeng pulis na kalaunay bumaril sa kanya sa restobar sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Base sa report na nakarating kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, nakilala ang napatay na suspek na si Marcial Tinguha, tubong Dumaguete City at kasalukuyang residente ng Brgy. Guijo, SJDM.

Ang biktima ay sina Esterlita Tinguha, asawa ng suspek habang ang babaeng pulis ay kinilalang si Police Senior Master Sergeant Jacklyn Fraulen Salboro, may-ari ng restobar sa Brgy. Narra at nakatalaga sa Bulacan Police Provincial Office.

Ayon sa report, nangyari ang insidente bandang 8:15 ng umaga nitong Hulyo 16 sa isang likurang bahagi ng isang restobar sa Brgy. Narra, SJDM.

Lumalabas sa report na si Esterlita ay pumunta sa naturang restobar na kanyang pinapasukan bilang crew para patayin ang ang mga nakabukas na ilaw.

Nabatid na nagulat si Esterlita nang bumulaga sa harapan niya ang kanyang mister na nanghingi ng pera subalit hindi niya binigyan.

Dahl dito, nag-alburuto ang suspek hanggang sa tangkaing isubsob at sunugin ang mukha ng asawa sa apoy mula sa isang burner ng restobar.

Nagpumiglas ang biktima hanggang sa makatakas at humingi ng tulong sa may-aring babaeng pulis habang ang suspek ay sinilaban umano ang restobar.

Nang makarating ang biktimang tinutugis sa bahay ng may-aring pulis sa likurang bahagi ng restobar ay biglang bumulaga sa kanilang gate ang suspek.

Walang kaabog-abog na sinugod at tinangkang saksakin ng suspek ang pulis ngunit nahawakan niya ang kamay nito na may patalim hanggang sa magpambono ang dalawa.

Nagawang sakalin ng suspek ang babaeng parakl na napilitang bumunot ng baril hanggang sa putukan ng isang beses para mapigilan ang pag-atake subalit ikinamatay nito kalaunan.

Sa kabila nito, naapula ng mga rumespondeng bumbero ang nasunog na restobar bandang 9:18 ng umaga na tinatayang mahigit P3 miyong pisong halaga ng ari-arian ang nasira.

Agad naman sumuko sa SJDM police station ang kabarong pulis kabilang ang baril na kanyang ginamit sa naturang insidente.(Dick Mirasol III)

Previous articleBabaeng health worker tiklo sa P680K shabu sa Caloocan
Next articleBayanihan for learning recovery inilunsad sa Kyusi