MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, Agosto 5 na hindi substandard ang aspaltong ginamit sa EDSA.
Ito ay sa kabila ng road repair na sinimulan nitong Biyernes, makaraang magkabutas-butas ito dahil sa matitinding pag-ulan kamakailan.
Ang pahayag ng DPWH ay kasunod ng kritisismo ni Senador JV Ejercito na dapat ay isagawa ang repair kapag bumuti na ang panahon, sabay-sabing dapat din ay maayos ang kalidad ng aspalto upang hindi na kailangan pang gawin ito palagi.
“Parang Skyflakes na nga ang sabi ko sa kanila. Eh eto yung mabibilis mabutas pag malakas ang ulan.. Hindi ko alam kung sinasadya yan para taon-taon may maintenance,” ani Ejercito nitong Biyernes.
“Siguro sa patuloy na pag-ulan kaya nagkakaroon tayo ng ganoong potholes sa mga kalsada natin. Kaya kailangan naming kumpunihin at ganito talaga ang phenomenon ng mga kalsada natin,” giit ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa panayam ng Radyo 630.
Nanindigan naman si Bonoan na ang aspalto at iba pang materyales ay nasa maayos na kalidad.
“Hindi naman (substandard),” sinabi ng opisyal.
“Okay naman, may specification naman ang ginagawa natin sa pagkumpuni na kalsada. Yung sinasabi natin na — alalahanin din natin ang pavements katulad ng sa EDSA, matagal nang nilatag yan. Hindi naman isang taon siguro na nailatag tapos masisira kaagad, mayroon namang quality yung nilalagay naming materyales diyan,” dagdag pa niya. RNT/JGC