Home NATIONWIDE Atas ni PBBM bago tumulak ng Brunei: Hagip ng bagyong Aghon, ayudahan

Atas ni PBBM bago tumulak ng Brunei: Hagip ng bagyong Aghon, ayudahan

MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na patuloy na magbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyong Aghon, naka-apekto sa ilang rehiyon sa bansa.

“Kaya’t tuluyan kong inatasan ang DSWD, ang DA, DOH, para makapagbigay ng assistance sa lahat ng mga naging biktima ng Typhoon Aghon,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang departure statement sa Villamor Air Base sa Pasay City.

Lumipad ang Pangulo sa Brunei Darussalam para sa kanyang unang state visit doon at at pagkatapos ay magpapartisipa na sa International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore.

“Sa kasalukuyan, ang aming nakita ay tinamaan ang Region IV, V, VI, VII, and VIII at ang apektado ay 12,043 families, 26,726 persons, tatlong airport at saka 29 na seaport ang naging non-operational dahil nga sa pagdaan ng bagyo,”ayon sa Pangulo.

“Six cities and towns had power outages, and there were 13 flooding incidents and three rain-induced landslides,” aniya pa rin.

Tinuran pa ng Pangulo na nakikipag-ugnayan na ang gobyerno sa ilang ahensiya. Aniya, ang ‘first responders’ ay ang Local Government Units (LGUs).

“They have brought all their energies together at the very first instance at nasabayan naman, nasundan kaagad ng national government sa pamamagitan ng pagbigay ng assistance, search and rescue na ginawa,” dagdag na wika ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) ang susunod matapos ang ‘first responders’ para kumpunihin ang mga imprastraktura.

Nagpadala na aniya ang pamahalaan ng relief goods sa mga apektadong lugar.

“Sa unang pagkakataon na makapasok ang ating mga puwersa, ang ating mga DSWD, ang ating Coast Guard, ang ating search and rescue, lahat ng mga asset natin ay makapasok na kaagad dahil nakahanda tayo mula pa noong dumating ang bagyo,” ayon sa Pangulo.

“So, patuloy naman ang ating gagawin at hindi natin titigilan ito siyempre hanggang matapos ang ating pagtulong sa mga nasalanta, sa mga naging biktima dito sa ating mga area na tinamaan ng Aghon,” dagdag na pahayag ng Chief Executive. Kris Jose