SUNOD-SUNOD na naman ang mga balita na umiikot sa girian sa West Philippine Sea ng China at Pilipinas. Nag-report ang Philippine Coast Guard o PCG na ekta-ektaryang bahura o coral reefs ang na-document nila na sinadyang sinira.
Kasunod nito, iniulat naman ng National Security Council na mga durog na coral reefs ang nakita sa Sandy Cay na maliit na isla malapit sa Pag-asa Island.
Nasaksihan naman ng ilang mga reporter ang patuloy na pagsunod at pagbabantay ng ilang Chinese militia vessels sa mga barko ng PCG na nagdala ng mga supply at pagkain sa BRP Sierra Madre.
Pero ang pinakahuling ginawa ng China na paglalagay ng mga boya o floating barriers sa bahagi ng Bajode Masinloc ay kalabisan na talaga. Ang paglalagay ng mga harang na ito sa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas ay lantaran at direktang paglabag sa mga umiiral na batas sa karagatan o ang UN Convention on the Law of the Seas o UNCLOS. At direktang pambabastos ito sa ating bansa lalo na sa harap ng 2016 na Arbitral Ruling na pabor sa atin, na nagsasabing kailangan kilalanin at respetuhin ang mga karagatan sa ilalim ng soberenya ng Pilipinas.
Hindi ito dapat palampasin ng gobyerno. Bukod sa palagi at paulit-ulit na reklamo na dinadaan na diplomasya, dapat ay komprontahin ng Pilipinas ang China sa ginawang pagharang na ito. Para tayong pinagbabawalang mangisda ng isang kapitbahay na wala naman silang karapatan na tayo’y pagbawalan .
Ayaw natin ng gulo o gyera kaya dapat ay alinsunod pa rin sa mga umiiral na pang-internasyunal na patakaran at mga alituntunin ang susunod natin mga hakbang, pero dapat ay malinaw, iisa at matibay ang mensahe ng gobyerno. Na hindi tayo papayag sa maling pagtrato ng China sa mga pag-aari nating likas-yaman sa West Philippine Sea.
Sa pag-resolba ng pinaka-huling problemang ito, dapat ay gamitin ng gobyerno ang boses at lakas ng ibang mga kaibigang bansa sa ASEAN at pati na rin ang tratado natin sa Estados Unidos. Bukod doon ay pwede na siguro pag-aralan ulit ng Pilipinas ang pagsampa ng panibagong kaso laban sa China sa tribunal o korte ng UNCLOS. Panghuli, dapat ay palakasin natin ang kakayahan ng PCG, Philippine Navy at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para bantayan ang ating mga karagatan.
Huwag nating kalimutan ang nakatatak sa mga -tshirts ng ilang senador noong isang laro sa FIBA, na pinagyabang nila na sa Pilipinas ang West Philippine Sea.