Home OPINION AYON SA MGA SARBEY

AYON SA MGA SARBEY

INILABAS kamakailan ang ilang mga sarbey kung saan inilista ang mga posibleng mananalong mga senador kung sakali ngayon gawin ang eleksyon. Sa mga pumasok sa “Magic 12”, kombinasyon lang naman ang mga ito ng mga kilalang artista, mga galing sa political dynasties at mga re-eleksyonista.

Wala masyadong bagong pangalan o mga bagong dugo sa mga pwedeng manalo. Mga pamilyar na apelyido ang namamayagpag sa mid-term elections at asahan natin halos gano’n din ang mga ipapangako nila sa taumbayan. Pare-pareho at paulit-ulit na mga plataporma kuno para sa tunay pagbabago at patungo sa kaunlaran na inaasam ng karamihan.

Naniniwala ako sa resulta ng mga sarbey, dahil nakatuntong ang resulta nito sa syensa ng istatiska. Oo nga, parati nang naririnig ang argumento ng ilan na ni minsan ay hindi sila natanong ng isang sarbey o kaya ay wala talaga silang kakilala o kamag-anak na nakasali sa isang sarbey ng eleksyon. Pero hindi ito malayo sa katotohanan, dahil ang isang pambansang sarbey ay kailangan lang ng 1,500 na respondents, para maging “statistically reliable or significant”, kung susunod ito sa mga tamang paraan at pamantayan ng isang sarbey.

Ang mahalaga ngayon para sa mga pulitiko at mga nagbabalak na tumakbo sa 2025 ay kung paano nila gagamitin ang resulta ng mga sarbey na ito para mas mapalakas ang tsansa nilang manalo, o kaya naman ay pahinain ang kampanya ng mga kalaban para hindi makalusot. Dapat maging basehan din ang mga sarbey para planuhin na ng political parties kung ano ang mga posbileng diskarte para maitaas nila ang posisyon ng mga manok nila sa mga susunod na sarbey.

Dapat ay magsilbing gabay ang mga sarbey na ito para mas pag-igihin pa ng mga ordinaryong mamamayanan ang paghahanda kung sino ang mga iboboto na susunod na mga lider ng bansa. Alam ko na hindi lang naman sarbey ang sukatan para manalo sa eleksyon, pero mahalaga ang sarbey para simulan ng mag-aral at magsaliksik ng mga botante.

Ayon nga pala din sa ibang sarbey, mas pinipili ng mga botante ang pamilyar na pangalan kesa sa plataporma. Sigurado ako, hindi ito magandang pangitain.

Previous articleQUIBOLOY VS HONTIVEROS, SINONG MAS MATIGAS?
Next articleTUBIG AT KURYENTE NGAYONG KUWARESMA