Home NATIONWIDE ‘Ayuda scam’ binira ni Bong Go

‘Ayuda scam’ binira ni Bong Go

MANILA, Philippines- Binatikos ni Senator Christopher “Bong” Go sa Senado ang nangyayaring anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa mahihirap, partikular sa rehiyon ng Davao.

Sa pagdinig ng Senate committee on public orrder, binigyang-diin ni Go na dapat ay maging patas at malinaw ang pamamahagi ng tulong ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino.

Sinabi ng senador na sinusuportahan niya ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng tulong sa mga mahihirap pero kinakailangan aniyang tiyakin ang agaran, patas, malinis at walang halong pulitika na pamamahagi ng tulong upang makamit ang mandato nitong iangat ang buhay ng mahihirap.

“Nakalulungkot po malaman na ang ilan sa ating mga kababayan ay ninanakawan umano ng pondo na nilayon para magbigay ng tulong sa kanila,” ayon kay Go.

Nalaman ni Go na ang mga benepisyaryo ay nakakukuha lamang ng porsyento ng inilaang halaga ng tulong pang-edukasyon mula sa DSWD.

Ipinamahagi umano ang tulong noong panahong ipinagpaliban ang naturang programa dahil sa pagsasagawa ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa kanyang pagtatanong, humingi ng linaw si Go sa mga aksyon ng DSWD para pangalagaan ang pondo ng publiko. Hiniling niya na tiyaking makatatanggap ng tulong ang mga nararapat na benepisyaryo nang walang anumang bawas o pulitika.

“Ako po ay personal na bumababa sa ating mga kababayan para makapagbigay po ng tulong, dun ko po nakikita ‘yung tunay na kalagayan nila, kaya hindi po katanggap-tanggap sa atin na may kinukuha at binabawasan ng iilang mapagsamantala,” anang senador.

“Paano ninyo ma-assure na nakararating talaga sa benepisyaryo yung P2,000 o P3,000 o P5,000, tulad ng para sa mga (biktima ng) sunog diba, dinidiretso ninyo ba talaga (sa benepisyaryo)?” ang tanong ni Go.

Idiniin ni Go na dapat magkaroon ng masusing koordinasyon sa pagitan ng DSWD at local government units pagdating sa pag-validate ng mga benepisyaryo.

Ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng national-level DSWD at local entities tulad ng City o Municipal Social Welfare and Development Office (CSWDO o MSWDO) na pinatatakbo sa ilalim ng LGUs at hinirang ng mga alkalde o gobernador.

Aniya, dapat pigilan ang selective distribution at favoritism para matiyak na hindi mapagsasamantalahan ang mahihirap.

Taos-pusong nakiusap si Go sa DSWD at kinauukulang awtoridad na unahin ang pangangailangan ng mahihirap, lalo ang mga naapektuhan ng kalamidad, at iba pang krisis tulad ng sunog.

Hiniling niya sa DSWD na kumilos nang mabilis at walang pagkiling sa pulitika.

Idiniin din niya na maging mapagmatyag ang DSWD at iba pang kinauukulan ni Go upang maiwasan ang paglitaw ng pagnanakaw sa mga ipinamamahaging tulong. RNT

Previous articleBabaeng ‘tulak’ laglag sa P3.6M shabu
Next articleRido banta sa kapayapaan sa BARMM – OPAPRU