MANILA, Philippines – Nasagip ng mga tauhan ng Pasay City Police ang isang babaeng Chinese na diumano’y kinidnap ng dalawang magkapatid, isa sa mga ito ay pulis, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Lunes.
Sinabi ni NCRPO director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez na si Zhou Yunqiing, 26, ay dinukot ni Staff Sgt. Lordgin Antonino, 34; at ang kanyang kapatid na si Nelson, 20, bandang 10:48 p.m. Linggo.
Sinabi ni Nartatez na nakatanggap ang pulisya ng impormasyon sa insidente dakong ala-1 ng madaling araw noong Lunes mula sa kaibigan ng biktima na si Malaysian Law Yi Wei, 34, na nakatira sa isang condominium complex sa Pasay City.
Humarap si Wei sa Pasay police substation 3 sa Libertad para humingi ng tulong hinggil sa kanyang kaibigan na kinuha ng mga suspek na nagpanggap na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa umano’y kasong human trafficking.
Sinabi rin ni Wei na nakakulong ang biktima sa loob ng isang kuwarto sa Qing Qing Hotel sa Pasay City.
Ipinakita rin niya ang larawan ng biktima na noon ay nakaposas at larawan ng police ID na may pangalang “PMSG John Reggie Reyes” gayundin ang text message ng mga suspek na humingi ng PHP500,000 kapalit ng paglaya ng babae.
Naglunsad ng operasyon ang mga awtoridad sa hotel at nakita si Lordgin, na tumugma sa paglalarawan sa police ID na ipinakita ni Wei, na nakaupo sa lobby ng establishment.
Nang lapitan ng mga pulis ang suspek, nagpakilala itong pulis na nakatalaga sa CIDG Pasay at sinabing sangkot ito sa operasyon sa hotel.
Gayunpaman, inaresto ng pulisya si Lordgin matapos maberipika sa District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD na walang nagsasagawa ng anumang operasyon ang unit sa establisyimento noong panahong iyon.
Nagtungo ang mga pulis sa isang silid sa hotel kung saan nailigtas nila ang biktima at inaresto ang kapatid ng pulis.
Nakuha sa pulis ang isang 9mm Taurus na may serial number na TBW77621 na classified as a property of the Philippine National Police, isang police ID, wallet, 14 PHP1,000 bills; limang sari-saring identification card at isang mobile phone. RNT