Home METRO Babaeng negosyante binaril ng rider sa Cavite

Babaeng negosyante binaril ng rider sa Cavite

MANILA, Philippines – Isang 61-anyos na ginang ang sugatan makaraang barilin ng motorcycle rider habang lulan ng kanyang sasakyan sa Brgy Biclatan, Gen Trias City, Cavite.

Ayon sa report, kinilala ang biktima na si alyas Norma, nasa hustong gulang at residente ng Holiday Homes sa nasabing barangay.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Silang Specialist Medical Center ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Batay sa ulat, bandang alas-10:45 ng umaga habang minamaneho ng biktima ang kanyang Isuzu Max na may plakang DAE 8870 kasama ang kanyang hipag at isa pang babaeng kaibigan at binabaybay ang kahabaan ng Arnaldo Highway, Brgy San Francisco, Gen Trias City, Cavite nang dikitan siya ng suspek na naka-motorsiklo hanggang sa pagbabarilin ito.

Matapos ang pamamaril, mabilis na pinatakbo ng suspek ang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Brgy Santiago ng nasabing lungsod bitbit ang kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaril.

Suwerteng hindi tinamaan o nasugatan ang dalawang kasama ng biktima sa sasakyan.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo sa tangkang pagpatay sa negosyanteng biktima. Margie Bautista