Home METRO Babaeng OFW na magpa-Pasko sa Pinas, patay sa saksak sa Antipolo

Babaeng OFW na magpa-Pasko sa Pinas, patay sa saksak sa Antipolo

MANILA, Philippines – Patay sa saksak ang isang Pinay OFW na umuwi lang sana ng bansa para magdiwang ng Pasko kasama ang pamilya.

Ang biktima ay hinihinalang nadamay umano sa hidwaan ng dating magkarelasyon na kasambahay ng kanyang kapatid sa Antipolo City.

Sa ulat, hindi bababa sa 15 saksak ang tinamo ng 29-anyos na biktima na si Canice Minica Seming.

Nakita na lamang ang duguang katawan ni Seming sa loob ng bahay ng kanyang kapatid sa isang subdibisyon sa nabanggit na bayan.

“The worst Christmas ever. We were looking forward to having fun this Christmas,” pahayag ni Jose Garcia, bayaw ng biktima.

Person of interest na ngayon sa kaso ang dating trabahador sa pamilya Garcia na si Art Tondo matapos makuhanan itong naglalakad sa subdibisyon nang mangyari ang krimen.

Nakita pa itong may backpack at nagpupunas ng kanyang kamay.

Ani Garcia, “pinagbakasyon” muna niya si Tondo dahil sa hindi magandang karanasan nito pagdating sa pera at ugali.

“I said it in a nice way na, magbakasyon ka muna… We already had some bad experiences with him sa pera, sa pagha-handle ng pera, pagha-handle ng tao, yung ugali niya mahirap pakisamahan, mayabang,” ayon pa kay Garcia.

“Kung pagnanakaw, bakit ‘yung cellphone lang ni Canice ang nanakaw samantalang katabi niya sa katawan niya ay ‘yung bag niya, andun ‘yung wallet niya, andun ‘yung card niya, andun pa nga pati yung passport niya eh,” dagdag niya.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakikipagbalikan si Tondo sa isa pang kasambahay ni Garcia na dati nitong karelasyon.

“Binlock niya [si Tondo sa kanyang phone], so wala nang recourse ‘yung [person of interest] kundi dumalaw kung saan siya ay kasambahay sa pinangyarihan ng krimen,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo police.

Sa kabila nito, wala ang kasambahay nang mangyari ang krimen at posibleng ang biktima ang napagbalingan ni Tondo.

“Nadamay lang sa crime of passion ‘yung biktima,” ani Mangondo, na sinabing dati na itong nakulong. RNT/JGC

Previous articleP530M lotto jackpot ‘di pa rin napanalunan – PCSO
Next articleDOH nakapagtala ng 4 fireworks-related injuries ngayong holiday season