Home METRO Babaeng Taiwanese national na dinukot, ginahasa nasagip

Babaeng Taiwanese national na dinukot, ginahasa nasagip

MANILA, Philippines- Nailigtas ng mga awtoridad sa Malabon City ang isang babaeng Taiwanese national na unang dinukot at ginahasa pa umano ng isa sa pitong Chinese national sa Malate, Manila.

Sa report ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-3: ng Linggo ng hapon nang ma-rescue ng mga tauhan ng Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Jonas Gato at Sub-Station 1 ng Malabon police ang 35-anyos na biktimang Taiwanese national at residente ng BGC Makati City na ikinulong sa isang bahay sa No. 89 Block 5 Oak Street, Victoneta North, Barangay Potrero, Malabon City.

Dalawa naman sa mga suspek ang arestado na kinilala bilang sina Zheng Xi Lin, 34, at Ma Pun Xin, 36, kapwa Chinese national at parehong nakatira sa nasabing bahay.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Joann-Rose Tindugan ng Malabon police, noong nakaraang August 14, 2023 ay inimbitahan ang biktima ng kanyang kaibigan na ang pangalan ay “Axin” na magkita sila sa Malate, Manila.

Nang pumunta ang biktima sa nasabing lugar ay hindi niya nakita ang kaibigan at doon na siya umano piniringan at dinukot ng pitong Chinese nationals saka isinakay sa isang pribadong sasakyan at dinala sa isang bahay sa Malabon City kung saan siyang ikinulong.

Nagawa namang makahingi ng tulong ng biktima sa kanyang kaibigang lalaking Taiwanese national na siyang nagpasaklolo sa mga tauhan ng Malabon police kaya kaagad iniutos ni Col. Tangonan sa kanyang mga tauhan ang pag-rescue sa biktima.

Sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng cellphone ng biktima, kaagad natunton ng mga pulis ang bahay kung saan siya ikinulong na nagresulta sa pagkakaligtas sa kanya at pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek.

Sa pahayag sa pulisya ng biktima, noong August 18, 2023 ay dalawang beses umano siyang ginahasa ng leader ng mga suspek at nagpadala din siya sa pamamagitan ng online transfer ng cash na 71,428 US dollar; 21, 805 US dollar, 20,000 US dollar 1,000 US dollar at 10,000 US dollar, ayon sa hiniling ng suspek.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa iba pang mga suspek. Boysan Buenaventura

Previous articleComelec naglabas ng alituntunin sa paglilipat sa Taguig ng 10 barangay mula Makati
Next article₱1M shabu nasamsam ex-convict