Home METRO Babaeng Vietnamese nasagip sa pagbihag ng 3 banyaga sa Pasay

Babaeng Vietnamese nasagip sa pagbihag ng 3 banyaga sa Pasay

MANILA, Philippines – Nasagip sa kustodiya ng tatlong banyaga ang isang Vietnamese national sa isinagawang rescue operation ng mga tauhan ng Pasay police Substation 1 nitong Huwebes, Setyembre 28.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang mga nadakip na mga suspek na
sina Mai Ngoc Huyen, 24; Tran Duy Anh, 26, kapwa Vietnamese national; at ang Chinese national na si Wang Jie, 27.

Base sa report na isinumite ni Uy sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-rescue ng mga tauhan ng Substation1 sa biktimang si Nguyen Thi Ly, 29, Vietnamese national, ng SMDC Coast Residences, dakong alas 3:00 ng madaling araw sa Unit 22F, Gardens by the Bay, Roxas Boulevard, Pasay City.

Sinabi ni Uy na magkakasamang nanunuluyan ang mga suspek sa nabanggit na unit at sapilitang binitbit ng mga ito ang biktima mula sa Ava Hotel na tinutuluyan nito at dinala sa kanilang lugar nitong Setyembre 24 ng umaga.

Ayon kay Uy, nabunyag ang ilegal na pambibihag makaraang magreport sa pulisya ang kasintahang Singaporean boyfriend ng biktima na nakilalang si Nicky Wang, 22, sa kabila ng pagbabayad nito sa mga suspects ng ransom money na nagkakahalaga ng P900,000.

Matapos makakuha ng impormasyon agad na nagtungo ang mga miyembro ng Substation 1 sa nabanggit na lugar kung saan nadatnan nila ang biktima na nagresulta ng kanilang pag-rescue dito gayundin sa pag-aresto ng tatlong suspects.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

Previous articleKlase sa Socorro sinuspinde, mas maraming pulis ipinadala sa kulto
Next articlePag-aalis sa rice price cap malapit na – NEDA