Home NATIONWIDE Backchannel talks sa China ipinanukala ni Gatchalian

Backchannel talks sa China ipinanukala ni Gatchalian

MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Biyernes, Disyembre 22 na magkaroon ng backchannel discussions sa China upang tugunan ang mga isyu sa West Philippine Sea.

Sa virtual interview, sinabi ni Gatchalian na ang backchanneling ay isang diplomatic mechanism kung saan nagkakaroon ng prangkang diskusyon habang pinag-aaralan ang magiging paraan para maresolba ang mga isyu.

“It’s important also to intensify and resume backchanneling talks so that they can come up with really concrete solutions on how to move forward with the issue on WPS without external influence or external pressure,” aniya.

Sinabi rin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “singular voice” sa halip na iba-ibang opisyal ang nagsasalita kaugnay sa mga kaganapan sa WPS.

“‘Yung mga lumalabas sa media, of course, natutuwa ‘yung sarili nating mga audiences, natutuwa ‘yung mga Chinese, natutuwa ‘yung mga Pinoy. Pero may nareresolba ba?” tanong niya.

“Kaya I would like to see a singular voice when it comes to echo the sentiments and the position of the government… Importante rin na ‘yung backchanneling mabuhay ‘yan at magtuloy-tuloy kahit para walang impluwensya na nangyayari, nakakapag-usap sila nang masinsinan at meron silang posibleng resolusyon na may mangyari,” anang senador.

Ilan sa mga isyu na pwedeng mapag-usapan sa backchannel discussions ay ang harassment sa mga Filipino na nangingisda lamang sa WPS, maging sa panggigipit ng China sa resupply missions sa Ayungin Shoal.

Bagama’t posibleng hindi magresulta sa permanenteng solusyon ang backchannel talks, sinabi ni Gatchalian na ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng resolusyon na magdudulot ng kapayapaan at stability sa rehiyon.

Nang tanungin kung sino ang dapat na manguna sa backchannel talks, walang binanggit na pangalan si Gatchalian ngunit sinabi niyang dapat ay “someone who has good relationships with China.”

“It can be outside of [the Department of Foreign Affairs], who has good relationships with China, who can have frank discussions, and who can deliver the message of our president. It can be someone outside of the DFA but trusted by the president,” ani Gatchalian.

Noong Hulyo, matatandaan na nauna nang sinabi ni dating Foreign Affairs secretary at ngayon ay Senador Alan Peter Cayetano ang ideya ng backchannel discussions, na maaari umanong pamunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi naman sang-ayon si Gatchalian sa suhestyon ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na gayahin ang ginawa ng Malaysia at Indonesia kung saan nagpadala ang mga ito ng Navy ships para protektahan ang kanilang drill ships at survey ships sa kanilang teritoryo.

“Kapag nagpadala tayo ng gray ships, there’s a big chance na magkakagiyera. Because gray ships Navy na ito. We are only sending our civilian ships through the [Philippine Coast Guard] because tayo, we don’t want to escalate the situation,” ani Gatchalian. RNT/JGC

Previous articlePassenger Bill of Rights dapat pag-aralan – Bautista
Next articleHighest fish unloading sa 2023, naitala noong Nobyembre – PEDA