Negros Occidental – Pinasok na rin ng African swine fever ang Bacolod City matapos na makapagtala ng dalawang positibong kaso ng African swine fever (ASF) nitong Biyernes.
Ito ay matapos makalaya mula sa nakakahawang hog disease mahigit tatlong taon mula nang maiulat ang outbreak nito sa bansa.
Kinumpirma rin ni Mayor Alfredo Abelardo Benitez ang nasabing ulat, kasunod ng paglabas ng mga resulta mula sa mga nasuri na sample ng dugo ng mga baboy mula sa isang backyard piggery sa Barangay Taculing.
Sinabi ni Benitez na nagmula ang mga baboy sa Bago City, sa timog lamang ng Bacolod.
Ang Bago ay bahagi ng Ika-apat na Distrito ng lalawigan, na may pinakamaraming bilang ng namamatay sa mga baboy dahil sa hog cholera nitong mga nakaraang linggo.
Ipinag-utos na rin niya ang pag-culling sa mga baboy sa loob ng 500-meter radius ng lugar kung saan namatay ang mga baboy.
Ang dalawang baboy na nagpositibo sa ASF ay namatay at agad na inilibing ng anim na talampakan ang lalim. RNT