Home OPINION BAD NEWS SA EL NIÑO

BAD NEWS SA EL NIÑO

KAAARANGKADA lang ng El Niño ngunit masama na ang balita.

‘Yung bang === sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula, may P151 milyon nang nasirang produktong agrikultural.

Binubuo ang Western Visayas ng mga lalawigang Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo at Negros Occidental habang Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Sur ang bumubuo ng Zamboanga Peninsula.

Kasama ang mga lalawigang ito ng ngayo’y 41 lalawigang sakop na ng El Niño.

May 10 pang lalawigan na maaaring maidagdag din sa listahan sa katapusan ng Pebrero at tiyak na madaragdagan pa ang mga ito.

Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, inaasahang kasagsagan ng El Niño ang mga buwan ng Marso, Abril at Mayo at baka aabot pa sa Hunyo.

Ang tiyak niyan, lalaki ang masisira sa agrikultura.

Sa palay, sa mais, sa gulay, sa iba pang mga pananim.

Kasama sa mga matatamaan ang mga alagang hayop gaya ng mga manok, baboy at iba.

Ang mga alagang isda at iba pang produktong fishpond, maaaring matamaan nang matindi dahil sa pagkatuyo o pag-iinit ng tubig.

SAKIT SA TAO, HEAT WAVE

Sa lahat ng lugar na sasakupin ng El Niño, tiyak na may mga maaapektuhan ng init ng panahon.

Lalo na kung iisiping tinatawag ng PAGASA na strong El Niño ang magaganap.

Maaaring magkaroon ng heat wave at dito namamatay ang mga tao.

Sa pagkatuyo ng mga lugar at magkaroon ng kakulangan ng tubig, naririyan ang pag-igib ng tubig-inumin na hindi tiyak ang kalinisan at diyan magaganap ang pagkakaroon ng mga sakit na kolera o matinding lagnat.

Ang isang matindi rito, ang pagkakaroon ng mga sunog hindi lang sa mga kabundukan kundi sa mga kabahayan.

Sabi nga nila, hindi baleng manakawan ka ng 10 beses, huwag ka lang masunugan.

Paano rin ang suplay ng tubig-inumin, lalo na kung isiping sa malalaking lungsod gaya ng Metro Manila, may mga hindi maaabot ng suplay ng tubig at rasyon-rasyon ang magaganap?

ANG MGA GAGAWIN?

Ang mga dam, tiyak na magbabawas ng suplay sa mga irigasyon para sa mga pananim.

Sapat bang magkalkal ang mga magsasaka ng lupa at gawing balon para maging patubig?

O kaya’y gagawa ng mga deepwell ngunit lalamunin lang din ng gastos sa petrolyo ang inaasahang kikitain ng mga magsasaka?

Sapat bang magsumbrero, magpayong, magdala ng tubig ang mga tao habang naglalakad patungo sa iskul, lugar ng trabaho at iba pa?

Pero sa hanay ng mga mamamayan ‘yan.

Gaano na ba kahanda ang pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan laban sa init at tuyot na kapaligiran na sumisira sa buhay at ari-arian?

Halimbawa, kapag may malalaking sunog, may maaasahan bang sapat na suplay ng tubig ng mga bumbero laban sa apoy?

Paano tutugunan ng pamahalaan ang pagkalugi sa mga taniman at alagang hayop sa lupa at katubigan?

Paano ang mga sakit na sumusulpot sa tag-init na ikinamamatay o ikinaoospital ng mga mamamayan?

At dahil sira ang mga pananim at alagang hayop at isda, paano tutugon ang goberno sa gutom ng mga tao?

Previous article‘WRIT OF AMPARO’ NINA CASTRO AT TAMANO
Next articleP100 dagdag sa minimum wage, aprub sa Senado