Home OPINION BAD NEWS SA PNP

BAD NEWS SA PNP

382
0

MARAMING nagaganap sa pulisya na kung minsan, eh, pabor sa pamahalaan at mamamayan, at kung minsan, dagok sa dalawa.

Tingnan natin ang ilang pangyayari.

PULIS AT CRIMINOLOGY STUDENT

Anak ng tokwa, hindi pa nagiging pulis si Nelson Antonio na isang criminology student, nasangkot na ito sa mga gawaing kriminal.

Kinasuhan ito ng Pasay police ng illegal detention, robbery extortion at pagpapanggap na isang pulis sa pagsusuot nito ng damit ng pulis.

Naging kasama si Nelson sa kanyang kapatid na tunay na pulis na si Police Staff Sergeant Lordgin Antonio sa pagdukot sa isang turistang Chinese na si Zhou Yunquiing sa Pasay City.

Dinala ang biktimang si Zhou sa isang hotel sa Pasay saka ginawan ng kidnap-for-ransom style na nagkakahalaga ng P500,000.

Sa sumbong ng biktima, hiningan siya ng naturang halaga para palayain siya.

Mabuti na lang at nagtiwala at nagsumbong sa pulisya ang Malaysian Chinese na kasama ng biktima.

Hayun, napag-alamang nagpanggap ang dalawa na kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group ng Pasay para ikubli ang kanilang tunay na katauhan ngunit nabuking din sila.

Ang totoo pala, miyembro ng Southern Police District Special Operations Unit si PSSgt. Lordgin.

Unang nahuli si Nelson na naroon lang sa harapan ng hotel habang naghihintay ng P500,000 at nasakote si Lordgin sa loob ng kwartong kinalalagyan ng biktima.

Ngayon, nasampahan na sila ng mga kasong illegal detention, robbery extortion, falsification of official document  at paglabag ng gun ban kaugnay ng halalang pambarangay at sangguning kabataan.

Saludo sa Pasay Police na pinamumunuan ni Col. Froilan Uy sa mabilis nitong pag-aksyon sa krimen.

Sana naman, hindi maapektuhan ang turismo na pinabobongga natin na pinangungunahan ni Department of Tourism Ma. Esperanza Christina Codilla Frasco.

MASASAMANG BALITA SA PULISYA

Dahil naman sa tagumpay rito ng Pasay police, sana naman makatulong din sa pagbangon ng buong pulisya sa katakot-takot na pagbakbak rito dahil sa mga sunod-sunod na masamang balita sa pulisya.

Kabilang sa masasamang balita ang mga kwestiyunableng pagpatay ng ilang Navotas police kay Jimboy at pagpatay rin ni Rodriguez, Rizal ni Police Cpl. Arnulfo Sabillo  kay John Frances Ompad.

Kasama sa masasamang balita ang pagkakaroon ng mga adik na pulis gaya ng 24 na napatunayang sumisinghot ng shabu at marijuwana.

At ang kernel na hepe pa ng 497 pulis-Mandaluyong City ang natagpuang positibo sa shabu.

Dito masasabing hindi ordinaryo ang suplayer ng shabu ng Mandaluyong police.

Kaugnay nito, may pagkilos ba ang pulisya para tukuyin, habulin at ikulong ang suplayer ni hepe na may napakataas na ranggo at katungkulan?

Sana naman, magtagumpay ang pamunuan ng pulisya sa ilalim ni General Benjamin Acorda Jr. na linisin nang husto ang ranggo ng pulisya para sa kapakan pangunahin ng mga mamamayan at pamahalaan at imahe ng Pilipinas sa ibang bansa.

Previous articleKARAMBOLA SA MURANG BIGAS
Next articleDinukot na 2 aktibista kagagawan ng pamahalaan; AFP, ELCAC dumipensa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here