MANILA, Philippines – Tiniyak ng ilang senador na dadagdagan ang badyet ng Philippine Coast Guard (PCG), upang mapalakas ang kapasidad nito laban sa lumalalang harassment ng China partikular ang huling panggigipit nito sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa ginanap na imbestigasyon ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation hinggil sa agreisbong panggigipit ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea, inalam ni Sen. Jinggoy Estrada ang pamamaraan kung paano matitigil ang panggigipit at harassment ng dayuhan upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Kasabay nito, sinabi ni Sen. Robin Padilla na dapat bigyan ng mas malaking badyet ang PCG sa 2024 upang hindi sila mapilitang sumandal sa tulong ng US.
“Sa ngayon, masyado tayong umaasa sa tulong ng Amerikano… Sana mabigyan natin ng pansin madagdagan ng budget ang Coast Guard, para sila talaga ang bida,” ayon kay Padilla.
Ipinahayag din ni Padilla ang kanyang alalahanin sa sinasabing deployment ng puwersang US sa hulin resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Inaalala ni Padilla na baka lumakas ang tensiyon sa karagatan sa pagkakasangkot ng US sa sitwasyon dahil may sigalot ang Washington sa China.
“Tayo ang maiipit sa gitna,” aniya.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, nabigyan ang PCG ng P24 billion sa susunod na taon.
“Parang kulang na kulang ang P24 bilyon,” ayon kay Padilla.
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros na dapat bigyan ng mas malaking intelligence and confidential funds ang PCG dulot ng papel nito sa pangagalagah ng ating karagatan sa WPS.
“Kung may mga civilian agencies na hindi naman mandato ang pagtugon sa national security issues natin nakakatanggap ng confidential and intel funds, bakit naman ang Coast Guard hindi? Hindi ba dapat mas sa kanila ibigay ang mas malaking confi and intel funds? Hindi ba common sense ito?” aniya
nangako din si Senate President Juan Miguel Zubiri na itataas ang pondo ng PCG sa susunod na pagdinig sa badyet.
“We are one and united in increasing your funds whether it is confidential, intelligence funds or funding to give you proper equipment for your needs in the West Philippine Sea and protection all over our country,” ani Zubiri. Ernie Reyes