MANILA, Philippines – ISANG bagitong pulis na nagpamalas ng katapangan at kabayanihan nang sagipin ang 14-anyos na dalagitang nalulunod sa ilog Pasig na sakop ng Taytay, Rizal ang umani ng papuri mula sa netizens matapos mag-viral ang kanyang video.
Suot pa ni Pat. August David, Jr. 26, nakatalaga bilang trainee sa Valenzuela Police Station at residente ng 415 3rd St. GHQ Village, Brgy, Katuparan, Taguig City ang kanyang uniporme nang walang pag-aalinlangan na tumalon mula sa Barkadahan Bridge Floodway, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal upang sagipin ang Grade 9 student na residente sa naturang lugar.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela police chief Salvador Destura, Jr. nangyari ang insidente nito lamang Oktubre 6, 2023, dakong alas-12:30 ng tanghali habang patungo si Pat. David sa Taytay, Rizal mula sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, sakay ng isang pampasaherong jeep upang kumain ng tanghalian.
Pagsapit ng pampasaherong jeep sa Barkadahan Bridge Floodway, nakita ni Pat. David ang ginawang paghakbang ng dalagita sa gilid ng tulay at kaagad na tumalon sa malalim na ilog.
Kaagad namang bumaba sa jeep si Pat. David saka naghubad ng sapatos at inalis ang laman sa bulsa ng suot na pantalon, bago nagtungo na sa gilid ng tulay at buong tapang na tumalon sa ilog kung saan matagumpay na nasagip niya ang dalagitang nalulunod.
Sa kuha ng video, narinig pa ang pagsigaw ng isang nakasaksi ng katagang “Tol, isa kang bayani,” na sinundan pa ng hiyawan at palakpakan ng maraming sumaksi sa ginawang kabayanihan ng pulis.
Ayon kay Col. Destura, nasa mabuti nang kalagayan sa Taytay Emergency Hospital ang dalagita na dumaranas umano ng matinding depresyon na sanhi ng kanyang tangkang pagpapakamatay.
“I am extremely proud of the bravery and compassion shown by our police trainee August David Jr. His action shows that police work is not only about arresting,” pahayag ni Col. Destura matapos niyang ipaabot ang kanyang papuri at paghanga sa bagitong pulis. Rene Manahan