Home HOME BANNER STORY Bagong DepEd chief iaanunsyo ngayong linggo – PBBM

Bagong DepEd chief iaanunsyo ngayong linggo – PBBM

MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes na papangalanan niya ang bagong Department of Education (DepEd) secretary sa pagtatapos ng linggo, kasunod ng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang panayam, inihayag ni Marcos na hindi dapat maiwang walang pinuno ang DepEd.

Inanunsyo ni Duterte ang pagbibitiw niya sa DepEd noong nakaraang linggo. Bumaba rin siya bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa kanyang resignation letter, inihayag ni Duterte na naghanda siya ng 30-day transition para sa lahat ng siyam na strands sa Central Office, maging iba’t ibang Boards and Councils na pinamumunuan ng DepEd at SEAMEO. 

Ani Duterte, hindi kahinaan ang mitsa ng pag-alis niya sa DepEd kundi malasakit sa mga guro at mag-aaral.

Nagbigay siya ng 30-day notice “to ensure the proper and orderly transition for the benefit of the next Secretary.”

Sa kabila ng paglisan niya sa Gabinete, iginiit ni Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kaibigan pa rin ang turing niya kay Marcos. 

Si Duterte ang running-mate ni Marcos sa 2022 national elections. RNT/SA