Home OPINION BAGONG DSWD SECRETARY, TUTUTUKAN ANG  GUTOM AT KAHIRAPAN

BAGONG DSWD SECRETARY, TUTUTUKAN ANG  GUTOM AT KAHIRAPAN

MATAPOS na pormal na tanggapin ang pagiging kalihim ng Department of Social Welfare and Development, binigyang-diin ni Secretary Rexlon Gatchalian na pangunahing tutugunan ng Kagawaran sa kanyang liderato ang laban kontra kagutuman at kahirapan.

Muli niyang ipatutupad  ang “food stub” system maliban sa livelihood assistance sa mga kwalipikadong pamilya na dumaranas ng gutom.

Sa pinakahuling Social Weather Station survey, lumabas na may 2.9 million na pamilyang Pilipino ang walang makain kahit isang beses lamang.

Ipinag-utos din ng bagong kalihim ang pagsasaayos at paglilinis ng beneficiaries’ database para masegurado na karapat-dapat na pamilya at mga indibidwal ang makikinabang sa mga programa ng pamahalaan.

Basehan ni Secretary Gatchalian ang kanyang naging karanasan ng siya ay mayor ng Valenzuela city sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 pandemic kung saan pabago-bago ang ibinibigay na listahan ng DSWD sa mga local government unit.

Pinatututukan ng kalihim ang pagbusisi sa listahan ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Hiniling niya ang tulong ng PSA o Philippine Statistics Authority at ng SWS.

Magpapatupad din si secretary Gatchalian ng mga karagdagang programa kaugnay sa literacy improvement ng mga nasa sektor ng mga mahihirap.

Kabilang pa sa mga plano ng bagong kalihim ang –

– Karagdagang logistics networks and warehouses para sa mga relief goods at family food packs sa mga strategic locations ng bansa para kaagad na makapaghatid ng tulong bago at matapos tumama ang isang kalamidad katulad ng bagyo at pagbaha;

– Pagbabawas ng mga requirements sa mga benepisyo at financial assistance and grants; at

– Pagsasaayos ng mga health care facilities at mga social activity centers na nasa ilalim ng DSWD.

Pakiusap lamang ng inyong Agarang Serbisyo Lady kay DSWD secretary Gatchalian na bigyang importansiya rin ang mga lumalapit ng medical assistance sa inyong Kagawaran dahil hindi na halos nakapagbibigay ng tulong ang PCSO o ang Philippine Charity Sweepstakes Office dahil sa Universal Health Care umano napu-   punta ang kanilang kita.

Parehas pa rin ang halaga ng health packages ng PHILHEALTH kaya hindi talaga maiwasan ang “out-of-the pocket” expenditures sa mga kamag-anak ng pasyente. Layon ng UHC na maiwasan ang financial risk at magkaroon ng seguridad sa maayos na gamutan.

Nagpapasalamat tayo sa DSWD na talaga namang nakakatulong sa malaking bayarin sa ospital, ang problema nga lamang ay napakatagal ng proseso, umaabot daw ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Maraming salamat kay Secretary Gatchalian, nabawasan na ang mga requirement pero sana mapabilis din ang pag-release ng guarantee letter.

Previous articlePagdinig ng RCEP, tablado kay Imee: ‘May nagmamadali’
Next articleBATA NI GOV. NA ALYAS “JB” PINAIIMBESTIGAHAN?