Home IN PHOTOS Bagong funeral chapel sa pampublikong crematorium at columbarium sa Las Piñas pinasinayaan

Bagong funeral chapel sa pampublikong crematorium at columbarium sa Las Piñas pinasinayaan

Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang 11 bagong gawang funeral chapel sa Public Crematorium and Columbarium ng lungsod nitong Huwebes (Enero 25).

Pinangunahan ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar at Vice-Mayor April Aguilar ang pagpapasinaya sa 11 bagong funeral chapel sa pampublikong crematorium at columbarium na matatagpuan sa Barangay Ilaya, Las Piñas City.

Sinabi ni Mayor Aguilar na ang pagsasaagawa ng inagurasyon sa bagong funeral chapel ay kabilang sa pagpapalawak ng mga kinakailangang pagbibigay serbisyo ng lokal na pamahalaan sa mga residente lalo na sa mga mahihirap na higit na nangangailangan ng tulong.

Ang columbarium ng lungsod ay may 3,500 nitso kung saan makapaglalagay dito ng kabuuang bilang na 14,000 urns.

Ayon kay Mayor Aguilar, ang mga bagong tayo na kapilya ay ginawa na mas madaling puntahan ng mga persons with disabilities (PWDs) o may mga kapansanan dahil sa inilagay na rampa sa likod na bahagi ng columbarium para sa mas madaling puntahan ng mga ito ang pakikipaglamay pati na rin ang pagbisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay o kamag-anak.

Sa kasalukuyan, ang columbarium ng lungsod ay nakapag-cremate na ng kabuuang 1,200 labi ng tao na gamit ang dalawang makina na maaaring makapag-cremate ng apat na labi ng tao sa bawat isang makina sa loob ng isang araw.

Sa naturang inagurasyon ay nagkaroon din ng pagkakataon si Mayor Aguilar na bisitahin ang kanyang namayapang kabiyak, si dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar, na siya mismong nagtatag ng proyektong “Libreng Libing” upang mabawasan ang pinansyal na gastusin ng mga mahihirap na residente ng lungsod.

Idinagdag pa ni Aguilar na kabilang din sa programang “libreng Libing” ng lokal na pamahalaan ay ang paggamit ng libre sa isa sa 11 bagong gawang kapilya sa columbarium kung saan maaring gamitin ito ng tatlong araw at dalawang gabi para sa paglalamay ng kanilang mga mahal sa buhay. (James I. Catapusan)

Previous articleDropouts dahil sa maagang pagbubuntis, pagpapakasal bumaba
Next article3.7M pamilyang Pinoy, nakararanas ng involuntary hunger – OCTA poll