
ARITAO, NUEVA VIZCAYA- Halos hindi pa nakaupo bilang bagong barangay captain ay pinagbabaril na hanggang mapatay matapos ang turn over ceremony ng mga bagong halal na opisyal sa Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang biktima na si Rolando Serapon, 76-anyos at residente ng Purok 3, Brgy Calitlitan.
Habang nakaupo ang biktima sa kanilang bahay ay nilapitan siya ng isang lalaki at pinaputukan ng anim na beses.
Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at idineklara na itong dead on arrival sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa bayan ng Bambang.
Narekober mula sa lugar ng insidente ang tatlong fired cartridges at tatlong bala.
Ayon sa mga saksi sa naturang insidente ng pamamaril ay nakasuot ang suspek ng black short pants na may puting stripes, itim na tshirt, green na face mask at katamtaman ang pangangatawan.
Agad na sumakay ito ng motorsiklo matapos barilin ang Punong Barangay.