Home METRO Bagong iskedyul ng Manila Zoo alamin

Bagong iskedyul ng Manila Zoo alamin

MANILA, Philippines- Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang bagong iskedyul ng operasyon sa Manila Zoological and Botanical Garden o mas kilalang Manila Zoo na matatagpuan sa Malate, Maynila, simula Lunes, Enero 22.

Batay sa inilabas na iskedyul ng tanggapan ni Public Recreations Bureau Chief Roland Marino, bukas ang naturang zoo mula alas-11 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi tuwing Lunes at mula alas-9 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi tuwing Martes hanggang Linggo. Ang huling pagpasok ng mga bisita ay papayagan hanggang alas-6 ng gabi lamang.

Sinabi ng alkalde na maaaring tangkilikin ng mga bisita ang mga hayop nang malapitan sa Manila zoo sa pamamagitan ng mga glass wall na naka-install dito.

Nabatid din sa alkalde na ang nasabing zoo ay nag-aalok ng pagkakataon para sa mga bisita na mapakain ang mga piling hayop at malaman ang mga katotohanan tungkol sa kanila sa pamamagitan ng isang puppet show at mobile library na itinatag sa loob ng zoo sa pakikipag-ugnayan sa Manila City Library.

Ayon sa alkalde, wala namang pagbabago sa admission rates para sa Manila Zoo ngayong taon.

  • P150 para sa Manileños (para sa mga matatanda at bata); P300 para sa mga hindi taga-Maynila;

  • P100 para sa mga estudyanteng Manileño; P200 para sa mga estudyanteng hindi taga-Maynila;

  • P120 para sa Manilenyong senior citizens at persons with disability (PWDs); at P100 para sa mga empleyado at guro ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Manila- Division of City Schools.

Ayon pa sa alkalde, ang mga batang may edad na dalawang taon pababa ay maaaring makakuha ng libreng admission, habang ang mga rehistradong senior citizen sa lungsod ay maaari ding makakuha ng libreng admission tuwing Miyerkules.

Para ma-avail ang mga diskwento, sinabi ni Marino na kailangang ipakita ng mga bisita ang kanilang valid identification card sa pagpasok upang ma-verify ang kanilang address sa lungsod. JAY Reyes

Previous articleUS exec bibisita sa Pinas; economic resilience tatalakayin
Next articlePuganteng SoKor nat’l nalambat ng BI