Home METRO Bagong-laya na drug suspek itinumba

Bagong-laya na drug suspek itinumba

373
0

MANILA, Philippines – PATAY ang isang bagong laya sa kulungan at dalawang babae ang sugatan matapos na paulanan ng bala ng mga hindi nakikilalang lalaki ang kanilang sinasakyan kagabi, Setyembre 14 sa kahabaan ng National Highway Barangay Parian, sa lungsod ng Calamba, Laguna.

Kinilala ni PLt Col Melany Martirez, hepe ng Calamba City PNP ang nasawing biktima na si Jerome Timoteo, nasa hustong gulang, naninirahan sa Tutuban, Manila.

Sugatan naman sina Ken Arvie Liad Libardo 33, ng # 145 Rodriguez St. Sangandaan, Caloocan City na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa parte ng katawan mula sa hindi pa matukoy na armas, samantalang himala ring nakaligtas sa insidente sina Kashmin Cudiamat y Lorenzo 32, ng Manggahan Commonwealth, Quezon City at Johnsen Carsa Cruz 23, binata ng # 842 Pullon, Dagupan, Tondo Manila.

Pansamantalang naka-confine sa JP Rizal District Hospital dahil sasailalim sa operasyon sina Cudiamat at Dela Cruz sa mga tinamong sugat ng mga ito.

Ayon Kay Calamba City PNP Deputy Chief PMaj. Jameson Aguilar, dakong alas-11:48 ng gabi habang ang mga biktima na sakay ng Hyundai Sta Fe na may plakang PQY-665 na minamaneho ng nasawing si Timoteo ay huminto pansamantala sa isang convenience store para bumili ng pagkain.

Bigla umanong dumating ang isang Suzuki Swift na kulay Gray/Silver kung saan bumaba ang dalawang suspek na pawang armado ng baril at kasunod nito ay walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ang sinasakyan ng mga biktima.

Napag-alaman na ang nasawing si Timoteo (biktima) ay kalalaya lamang umano sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicutan matapos makulong sa kasong illegal drugs.

Base sa imbestigasyon ng Calamba City PNP, ang mga biktima ay dumayo sa nasabing lugar para mag check-in ng tatlong araw sa isang resort sa Calamba City nang maganap ang krimen kaya may hinala din umano ang pulisya na posibleng drug related ang naganap na pamamaril sa mga biktima.

Nabatid sa ulat na kasalukuyan din inaalam ng Calamba City PNP kung kanino nakapangalan ang sinasakyang ng mga biktima.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 44 na pirasong basyo ng bala at anim na deform slugs.

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation kung saan kasalukuyan na ring tinitingnan ang mga CCTV sa mga kalapit na establisimyento para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Ellen Apostol

Previous articleSuspensyon ng online SIM registration, tinabla ni Poe
Next articleLotto Draw Result as of | September 15, 2023

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here