Home NATIONWIDE ‘Bagong Pilipinas’ aarangkada bukas

‘Bagong Pilipinas’ aarangkada bukas

MANILA, Philippines- Inaasahang magtitipon-tipon bukas, araw ng Linggo, ang mga makikilahok sa “Bagong Pilipinas” kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila, bilang testamento ng kanilang commitment na paghusayin ang kanilang serbisyo sa sambayanang Filipino.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Gerald Baria na ang Bagong Pilipinas banner ng administrasyon ay “more than just a branding” kundi isang multi-layered concept ng layunin ng bansa na isulong ang progreso ng bansa.

“Ito iyong parang declaration ng commitment ng Philippine bureaucracy, ng gobyerno para mag-level up ng government services para marating ang Bagong Pilipinas,” ayon sa opisyal.

“So, magandang maintindihan ito kasi napaka-multilayer ng Bagong Pilipinas – hindi lang ito logo, hindi lang ‘to branding, hindi ito government program – it’s multi-sectoral/multilevel na concept na i-implement. Actually, in-start na siyang i-implement pero parang officially idi-declare bukas na simula na ng ating pagtungo sa Bagong Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Odillon Pasaraba na ang matibay na suporta ng local government units para sa Bagong Pilipinas ay mahalaga dahil ang institusyon na ito ay makatutulong na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao.

Ayon pa kay Pasaraba, isa sa layunin ng Bagong Pilipinas ay hikayatin ang mas maraming Filipino na magpartisipa sa pamamahala.

“Sa liderato ni Secretary Benhur Abalos na sumusuporta sa liderato ng ating mahal na Pangulo, Pangulong Bongbong Marcos, ang reporma or transformation na siyang isusulong ng Bagong Pilipinas – ang mas lalong umaaksiyon at magbibigay ng resulta sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino; ang lokal na pamahalaan, stronger alignment of the local government units; at ang national government agencies as mentioned a while back, hindi natin kayang mag-isa,” wika niya.

“Kailangan natin a concerted, crystallized and consolidated efforts para mas lalong malasap, maramdaman, at makikita ng ating mga mamamayang Pilipino na may pag-asa para sa Bagong Pilipinas,” dagdag niya.

Samantala, inaasahan naman na darating ang mga opisyal ng pamahalaan, mga celebrity at iba pang personalidad sa rally.

Ang kick-off rally ay live na ipalalabas sa buong bansa.

Isa ang “Serbisyo Fair” sa entertainment activities.

Maaaring magpartisipa ang mga interesadong indibidwal sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa https://www.bagongpilipinastayo.com.

Samantala, pinabulaanan din ni Baria na gagamitin ang Bagong Pilipinas campaign kickoff rally para itulak ang Charter change (Cha-cha).

“Definitely not. This is an activity by the Executive Department for the covenant of Bagong Pilipinas. This is the Executive Department’s way of showing its commitment that it will do its job… There are no other reasons,” giit ng opisyal.

Sinabi naman ni PCO Director Cris Villonco na “as part of the event and the one overseeing the event, I can assure that is not the case.“

“We are talking about empowering the Filipino at its very core,” dagdag na wika ni Villonco.

Nauna rito, ipinahayag ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na ang Bagong Pilipinas rally ay pronta lamang para itulak ang Charter change.

Bwelta naman Baria, ang mga salungat na pahayag at paniniwala ng iilan ukol sa tunay na nilalayon ng rally ay para guluhin ang mga ideya.

Tinuran pa ni Colmemares na ang nasabing event ay pag-aaksaya lamang ng pondo ng publiko.

Bilang pagdepensa sa kickoff rally, sinabi ni Baria na ang kahalagahan ng Bagong Pilipinas ay marapat lamang na ilathala.

“An idea as big as this deserves an event as big as this,” aniya.

Idinagdag naman ni Villonco na “we need to make this big, we need to make this loud… we need to spread as fast as possible because we deserve this, we need this and we need everybody’s help.” Kris Jose

Previous articleDOJ muling makikipagpulong sa pamilya ng missing sabungeros
Next articleTemperatura sa Baguio City bumulusok sa 9.8°C