Home TOP STORIES Bagong prangkisa ng Meralco isinusulong ni Salceda

Bagong prangkisa ng Meralco isinusulong ni Salceda

ISINUSULONG ni ‘House Ways and Means Committee chairman’ Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang panibagong 25 taong prangkisa ng ‘Manila Electric Company’ (MERALCO) upang mapanatili ang tuloy-tuloy na mabisang serbisyo ng pamamahagi ng kuryente sa mga pamayanang saklaw nito.

Ang pinakahuling prangkisa ng MERALCO ay sa bisa ng RA 9209 na magtatapos sa 2028.

Kaugnay nito, inihain kamakailan ni Salceda sa Kamara ang “House Bill (HB) 9793, na aamyenda sa RA 9209 at magbibigay ng panibagong 25 taon upang “magtatag, gumawa at pangasiwaan ang mahusay at mabisang sistema nito serbisyo ng kuryente sa mga gumagamit nito.”

Sinusuplayan ng kuryente ng MERALCO ang 38 lungsod at 73 mga bayan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal bukod sa ilang pang mga lugar at pamayanan sa Batangas, Laguna, Quezon at Pampanga, na sentro ng industriya at negosyo, kasama ang mga pangunahing paliparan o ‘airports,’ pantalan o ‘seaports’ at mga ahensiya ng pamahalaan na mahahalagang susi sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Binigyan ni Salceda ng pagpapahalaga ang papel at serbisyo ng MERALCO bilang mabisang tagapamahagi ng kuryente sa mga tahanan at tanggapan ng mga kumpanya at kumersiyo na umabot na sa 7.6 milyon ang bilang noong 2022.

“Noong 2022 lamang, naipamahagi ng MERALCO ang 48,916 GWH ng kuryente sa mga gumagamit nito sa ‘average’ na presyong P9.52 bawat ‘kilowatt hour’ (KWH). Ang karaniwang kunsumo ng kuryente sa loob ng saklaw ng prangkisa ng kumpanya ay mahigit na sa 50% o kalahati ng buong kunsumo ng kuryente sa bansa noong 2022,” ayon kay Salceda sa ‘explanatory note’ ng kanyang bill.

Binigyan din niya ng diin na sa “proven track record” ng MERALCO sa loob ng 120 taon, napakahalaga at napakalaki ang tulong na nagawa nito sa pag-unlad ng iba’t-ibang sektor ng pambansang ekonomiya.

Sa kanyang ‘explanatory note,’ pinuna din ni Salceda na bagama’t sinasabi ng marami na “isa sa pinakamataas sa mundo ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.”

Sinasabi naman ng International Energy Consultants (IEC) sa report nito kamakailan na malaking bahagi kung hindi man ang kabuuan ng mga taripa sa elektrisided sa maraming bansa, kasama ang Indonesia, Malaysia at Thailand ay sinasagot ng kanilang pamahalaan, kaya sa Pilipinas, ang presyo ng kuryente ay sinasalamin lamang ang aktuwal na halaga ng serbisyo nito.

Sinabi rin ng IEC na sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo mula noong 2022, at isasang tabi ang subsidiya sa taripa ng ilang bansa, lumalabas na ang presyo ng kuryente ng MERALCO ay 13% pang mababa kaysa karaniwang ‘world average’, at ito ay dahil sa kakayanan ng kumpanya na humanap ng murang PSAs4 at mabisang mga ‘contract portfolio’ t tila napakahusay ang pangangasiwa nito.

Kamakailan, ayon kay Salceda, sa inisyatibo ng MERALCO na kaagad namang sinuportahan ng ERC, iniutos ng huli ang pagbalik ng kumpanya sa mga kliyente nito ng sobrang singil sa kuryente, batay sa ‘review’ ng ERC sa mga binago at naantalang mga proseso mula 2012 hanggang 2015, na umabot sa P48 bilyon na lalo pang nagpababa sa singil sa presyo ng kuryente.

Bilang bahagi din ng tinatawag na panlipunang obligasyon ng kumpanya sa mahihirap na mga kliyente sa loob ng saklaw ng prangkisa nito, ipinatutupad din ng MERALCO ang isang mekanismong nagbibigay ng 20% hanggang 100% diskwento sa bayad kuryente para sa mga kliyenteng kumukunsumo lamang ng 100 KWH buwan-buwan na ang halaga ay natatakpan naman ng bayad ng ibang maykayang kliyente. Isa diumano ito sa pinakamalaking sa mga kasapi ng ‘Philippine Distribution Utilities.’

Sa pamamagitan ng adbokasiya nitong “Kuryente sa mga Tahanan,” natutulungan diumano ng MERALCO ang mga 6,376 mahihirap na pamilya na makaroon ng kuryente. Sa ika-40 ‘Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Implementation Status Report (April 2022 Report Period)’ ng Department of Energy (DOE), sinabi nitong nagawa ng MERALCO ang 100% pagkakaroon ng kuryente sa mga tahanan (batay sa ‘2015 Census of population and Housing’).

Bilang suporta sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, at pataasin din ang antas ng buhay ng mga mamamayan, namuhunan ng P220 bilyon ang MERALCO mula 2003 hanggang 2022 para sa mga bagong koneksiyon at proyektong lalong magpapalawak sa mga serbisyo nito bilang suporta din sa mga programa ng pamahalaan.

Ayon sa mga pagsusuri, patuloy na napahusay ng MERALCO ang serbisyo nito na nagtala ng 8% kabawasan sa ‘power interruptions (from 2021’s 1.41 times to 2022’s 1.30 times).

Bukod dito, napaigsi din diumano ang tagal ng aplikasyon sa kuryente ng mga bagong kliyente mula noong 2022 ay ngayon ay umaabot na lamang nga 2.20 araw, kumpara sa 2.96 araw noong 2021. RNT

Previous articleHybrid rice tututukan ng DA vs epekto ng El Niño
Next articleInflation sumadsad sa 2.8% noong Enero