
MULI na namang nalampasan ng Pag-IBIG Fund ang sarili nitong record pagdating sa home loan disbursement matapos magtala ng panibagong “high record” para sa mga buwan ng January 2023 hanggang August 2023 na umabot sa kabuuang P76.94 billion.
Mas malaki ito ng 6% o katumbas ng P4.23 billion mula sa P72.71 billion kumpara sa kaparehas na panahon noong taong 2022. Sa halagang nabanggit, nasa 59,840 na pabahay ang naipagkaloob sa mga miyembro kung saan ay 7,450 o 12% ay mga minimum-wage and low-income sectors na may halagang P3.15 billion.
Masaya si Department of Human Settlements and Urban Development secretary Jose Rizalino Alcuzar at siya ring chairperson ng 11-man Pag-IBIG Fund board of trustees sa panibagong tagumpay ng ahensiya. Ibig sabihin kasi ng lumalaking home loans ay mas maraming manggagawang Pilipino ang nagkakaroon ng kanilang sariling tahanan na isa sa mga pangunahing socio-economic agenda ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa pamamagitan ng kanyang “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” program (4PH) na hangaring makapagtayo ng anim na milyong pabahay, bahagi rin ito ng “Ambisyon Natin 2040” at pagsusulong ng mga sustainable development goals ng United Nations.
Kaya kumpiyansa si Pag-IBIG Fund chief executive officer Marlene Acosta na magiging maganda ang performance ng ahensya hanggang sa pagtatapos ng taong 2023 dahil sa naging desisyon ng pamunuan na mas pababain pa ang home loan rates simula nitong July 2023.
Kinilala rin ni CEO Acosta ang pagtitiwala ng mga miyembro sa Pag-IBIG Housing Loan para maabot ang kanilang pangarap na sariling tahanan. Sinusuklian naman ito ng Pag-IBIG Fund ng maayos at episyenteng serbisyo gayundin ng pagpapanatili ng mas mababang interes at pinapagaan ang pamamaraan ng pagbabayad ng mga buwanang hulog at kontribusyon.
Bago naman ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong BBM ay nilagadaan niya ang Executive Order No. 34 na nagdedeklara sa 4PH bilang isang flagship program ng kanyang adminstrasyon at inatasan ang lahat ng mga ahensya partikular ang DHSUD at ang lokal na pamahalaan na magsagawa at magsumite ng imbentaryo ng mga lupaing maaaring mapagtayuan ng mga socialized housing na dapat maisumite sa Office of the President ngayong September 2023.
Binigyan din ng direktiba ang Department of Environment and Natural Resources na irekomenda kay Pangulong BBM ang mga public lands na maaaring gawing alienable and disposable lands para sa housing and human settlement.
Ang mga matitipong mga lupain ay magiging pag-aari ng DHSUD at kagyat na sisimulan ang reyalisasyon ng 4HP.