MANILA, Philippines – Humina na ang binabantayang Super Typhoon Mawar sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), at ngayon ay kinokonsiderang Typhoon na lang, ayon sa PAGASA.
Sa kabila nito, sinabi naman ng weather bureau na posible pang lalong humina si Mawar o ‘di naman kaya ay bumalik sa pagiging super typhoon sa loob ng 24 oras.
“‘Yung binabantayan natin na si dating super typhoon Mawar na nasa labas pa rin ng Philippine area of responsibility… humina ang intensity nito at naging isang typhoon category na lamang,” ani weather specialist Rhea Torres sa panayam sa radyo.
“Ngunit naga-undergo ito o dumadaan sa tinatawag nating eyewall replacement cycle, ibig sabihin ay hihina po ito o posible o mataas ang tsansa na lalakas o babalik ito into a super typhoon category within 24 hours,” dagdag pa ni Torres.
Nitong 8 a.m. Miyerkules, si Mawar, na may lakas na hanging 175 kph, ay namataan sa 2,170 kilometro silangan ng Visayas at maaaring pumasok sa PAR sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga.
Si Mawar, na tatawaging Betty sa sandaling ito ay pumasok sa PAR, ay inaasahang magpapalakas ng hanging habagat, ani Torres. RNT