MANILA, Philippines – Posibleng maging hudyat na sa pagsisimula ng tag-ulan ang pagpasok ng Bagyong Mawar sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ng PAGASA kung saan ayon kay weather specialist Patrick del Mundo, maaaring palakasin ng Bagyong Mawar ang
southwesterly surface wind flow at magpaulan sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon pa kay Del Mundo, posible ring maitaas ang Signal Number 3 sa extreme Northern Luzon sa pagpasok ng naturang bagyo sa PAR.
“Bagama’t wala itong magiging direktang epekto sa iba pang bahagi ng bansa, hihilahin naman nito ang southwesterly surface wind flow na maaaring magpaulan sa western sections ng Luzon, at buong Visayas at Mindanao,” sinabi niya, sa panayam ng DZBB.
“Maaari rin itong maghudyat ng pagsisimula nang tag-ulan sa ating bansa,”dagdag pa nito.
Bagama’t hindi rin direktang tatama sa bansa batay sa pinakahuling track, posibleng maaapekto pa rin ito sa bansa pagsapit ng Linggo o Lunes.
“Bagamat malayo ang sentro kung i-consider na 300km radius at pwede pang mas malawak. Possibly by Sunday or Monday may ilang areas ng Northern Luzon na makaranas ng epekto,” ani Perez.
Sa ngayon ay nananatili pa ring nasa labas ng PAR ang bagyong Mawar na ngayon ay nasa super typhoon category at nananalasa sa Guam. RNT/JGC