
MATINDING pagbaha ang iniwan ng “Bagyong Egay” sa malawak na bahagi ng Pampanga, Bulacan at Metro Manila na nakaapekto sa lokal na ekonomiya at agrikultura.
Ayon sa ilang opisyal ng disaster management, maaaring tumagal nang humigit-kumulang isang linggo bago humupa ang pagbaha sa marami pang lugar.
Kakailanganin na marahil ng gobyerno na suriin ang sistema ng pagkontrol sa baha sa mga apektadong lugar, kung saan ang mga kabuhayan at kadaliang kumilos ay malubhang napinsala.
Ang mga baybaying-dagat sa Bulacan ay partikular na nangangailangan ng kagyat na mga interbensyon sa pagbaha bunsod ng tumataas na lebel ng tubig-dagat sa gitna ng global warming.
Iniulat ng mga residente na ilang dekada na ang nakalipas, hindi sila nakaranas ng malubhang pagbaha.
Napansin nilang mas lumala ang problema sa gitna ng patuloy na reclamation activities sa Manila Bay.
Maraming residente sa mga apektadong lugar ang bumili o gumawa ng mga bangka para sa transportasyon.
Kaakibat ng pagbaha ang pagkalat ng iba-ibang sakit, gaya ng alipunga, diarrhea at leptospirosis.
Ilang residente ng apektadong lugar ang nagsabi na nakararanas sila ng biglaang malakas na pag-agos ng tubig na nagpalala ng pagbaha sa mga tahanan at kahabaan ng mga lansangan.
Agad itinanggi ng mga opisyal ng disaster management na ito ay dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam sa gitna ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Sa panahon ngayon, kahit na ang high tide ay maaaring magdulot ng matinding pagbaha sa mga komunidad sa baybayin, ayon sa mga residente. Isang katulad na problema ang nangyari sa mga baybaying bahagi ng hilagang Metro Manila at sinisisi sa walang habas na reclamation ng Dagat-Dagatan area ang malalang pagbaha.
Isang multibillion-peso flood control project sa lugar ng CAMANAVA ang nagpaluwag ngunit hindi tuluyang naalis ang problema.
Dapat nang isaalang-alang ng pamahalaan ang katulad na interbensyon sa mga gawaing pampubliko sa mga lugar sa Bulacan at Pampanga na madalas bahain.
Ang isang opsyon ay ang paglipat ng buong komunidad sa mga lugar na ligtas sa baha ngunit ang napakalaking displacement ay magiging magastos.
Sa ngayon, kailangang magpatupad ng mitigation measures ang gobyerno sa lalong madaling panahon.
Humihingi ang mga residente ng mga interbensyon na magpapahupa ng tubig-baha sa kanilang lugar.
Kailangan nilang magpatuloy sa kanilang buhay nang hindi nakalubog sa tubig.