Home METRO Bahagi ng Mindanao Avenue isasara sa konstruksyon ng Metro Manila Subway station

Bahagi ng Mindanao Avenue isasara sa konstruksyon ng Metro Manila Subway station

MANILA, Philippines – Isinara sa trapiko ang bahagi ng Mindanao Avenue sa Quezon City simula nitong Sabado, Hunyo 29 para sa konstruksyon ng Tandang Sora Station ng Metro Manila Subway Project.

Ayon sa ulat, inaasahang magdudulot ng pagbabagal sa daloy ng trapiko ang pagsasara sa dalawang outer lanes ng Mindanao Avenue-Southbound sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa pagitan ng Congressional Avenue at Tandang Sora Avenue.

“Light vehicles can utilize the newly constructed diversion road to offset the closure of the outer lane of Mindanao Avenue,” saad sa pahayag ng Department of Transportation.

“Motorists are advised to take alternative routes to reduce traffic congestion in the construction area,” dagdag pa nito.

Sakop ng Metro Manila Subway Project ang konstruksyon ng depot at 33-kilometer railway line na binubuo ng 17 istasyon na magkokonekta sa Valenzuela City patungong Pasay City at may spur line patungong Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sa oras na maging operational, mapapababa ng subway ang biyahe mula Valenzuela patungong NAIA ng mula isang oras at 30 minuto sa 35 minuto na lamang.

Magseserbisyo ito sa 519,000 pasahero araw-araw.

Inaasahang magiging fully operational ang Metro Manila Subway sa 2029. RNT/JGC