Home OPINION BAKIT AMNESTY?

BAKIT AMNESTY?

GAYA nang mga nagdaang administrasyon kasama na ang sa kanyang amang namayapa, nag-alay din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng amnestiya para sa mga miyembro ng New People’s Army, Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade.

Sa pamamagitan ito ng Proclamations 403, 404, 405, at 406 noong Nov. 22, 2023 upang mahikayat na magbalik-loob sa pamahalaan ang mga naligaw sa maling paniniwalang mga rebelde. Ito ay bahagi nang pagsisikap ng Administrasyong Marcos na magkaroon tayo ng komprehensibong kapayapaan at matigil na ang kaguluhan.

Layunin ni PBBM na pagka-isahin na ang bayan. ‘Yun bang wala nang pagkakahati-hati. Walang nanggugulo at wala nang pumapatay ng kapwa nila Filipino.

Ang mga hinaing ng mga kababayan nating napunta sa grupo ng pagrerebelde ang una munang inasikaso ng ating Pangulo Marcos. Ibinigay ang lahat ng kanilang hinihiling, lupang sakahan sa mga mahihirap nating magsasaka, kabuhayan para sa ating mga kababayan sa mga kanayunan at lahat ng serbisyong maibibigay pa para sa ika-aangat ng kanilang buhay at huwag nang ma-engganyo nang mapanlinlang na samahan ng mga rebelde.

Iyan ay sinimulan na ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict at patuloy din pang magtatrabaho upang isakatuparan ang amnesty program ni PBBM.

Sabi nga ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., marami sa Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front) at  Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas  ang inaantay ito para lamang makasuko at muling maging bahagi ng maayos na lipunan.

Ang paghahain ni Pangulong Marcos ng amnestiya, ayon kay Torres, ay pagtatahi ng hustisya, pagkakaunawaan, pagkakaisa at kaunlaran. Kalimutan na ang ‘di pagkakaunawaan tungo sa mapayapang Pilipinas.

Magtutulay nga naman ito sa paghihilom ng mga sugat bunga nang nagbabanggaang mga panig. Kaya kung ako man ang dating lumalaban sa pamahalaan, sasamantalahin ko na rin ang amnestiyang ito ni PBBM at susuko upang magbigay-daan sa tunay na kapayapaan sa bansa

Previous articleLIGHT E-VEHICLES, MGA BAGONG HARI NG KALSADA?
Next articleDestab vs PBBM tinutulan ng labor group, mga kabataan