MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) na magpatupad ng balasahan sa security management section ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang insidente ng paglabas ng isang high-profile detainee sa detention facility kasama ang ilang tauhan ng bureau.
Sinabi ni DOJ spokesman Mico Clavano na napapanahon ang reorganization sa security management section upang hindi na maulit ang pangyayari.
Magugunita nitong Hunyo, si Jad Dera, ang kapwa akusado ni dating Senator Leila de Lima sa kasong droga ay nakita na sakay ng van sa labas ng NBI Detention Facility, kasama ang anim na tauhan ng bureau.
Binigyan diin ni Clavano na hindi maaring ang maparusahan lamang ay ang anim na nakasama ni Dera lalo pa wt maituturing itong “serious incident” na kailangan maresolba agad.
Patuloy din aniya ang isinasagawang imbedtigasyon sa insidente at posibleng matapos ito sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Si Dera ay inalis na sa NBI detention facility at inilipat na sa Muntinlupa City Jail. Teresa Tavares