Home NATIONWIDE Balik-normal na operasyon ng PhilHealth inaasahan ngayong Huwebes

Balik-normal na operasyon ng PhilHealth inaasahan ngayong Huwebes

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na aumaasa itong maibabalik sa normal na operasyon, halos isang linggo matapos na bumagsak ang kanilang sistema kasunod ng ransomware attack.

Ibinunyag ni PhilHealth presidente at CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang plano sa deliberasyon ng Senate committee on finace sa panukalang 2024 budget ng Department of Health at mga attached agencies nito nang humingi si Senator Loren Legarda ng updates sa cyber attack.

Kabilang sa sistema ng ahensya ang kanilang website, Health Care Institution (HCI) at member portal, e-claims ang na-disable o na-unplug bilang bahagi ng security containment measures matapos na pasukin ng Medusa ransomware noong Biyernes, September 22.

Ipinaliwanag naman ni PhilHealth executive vice president at COO Eli Santos na lahat ng PhilHealth transactions ay kasalukuyang offline at ang operasyon tulad ng membership submissions at payments ay ginagawa over-the-counter.

Sinabi ng Department of Information and Communications technology (DICT) noong Huwebes na nagpapatuloy ang pagsisikap upang maibalik ang sistema ng PhilHealth at ang ahensya ay dapat magpatuloy na mag-imbestiga at subaybayan ang nakuhang log mula sa mga apektadong sistema ng PhilHealth.

Nauna nang sinabi ng PhilHealth na may kabuuang 72 workstation ang nakompromiso ng Medusa ransomware attack.

Iginiit din ng PhilHealth na hindi ito magbabayad ng anumang halaga kasunod ng pagbabanta ng hackers na ilalabas ang mga ninakaw na datos mula sa database nito kung mabigo silang magbayad ng $300,000 o P17 milyong ransom.

Samantala, inaasahan na rin ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na ang pagbabayad sa mga hospital dues ay matatagalan matapos ang cyber attack.

Bago ang cyber-attack, nangako si Ledesma na babayaran ng PhilHealth ang mataas na porsyento ng P27 bilyong halaga ng hospital dues sa loob ng 90 araw o sa Disyembre. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDiskwalipikasyon ng Legazpi councilor bilang kandidato sa 2022 polls pinagtibay ng Comelec
Next articleDesisyon sa fare hike petitions ilalabas sa sunod na linggo – Guadiz