Home HOME BANNER STORY Ban sa TikTok posible kung mapatunayang ginagamit sa pang-eespiya – NSA

Ban sa TikTok posible kung mapatunayang ginagamit sa pang-eespiya – NSA

MANILA, Philippines – Posible ang total ban sa Tiktok kung mapatutunayan na ang naturang social media platform ay ginagamit ng China sa pang-eespiya at cyberattacks.

“‘Yang mga apps na ‘yan, galing kasi sa China ‘yang mga apps na ‘yan, malaki ang posibilidad na nakukuha nila ‘yung mga data pati mga private details ng mga nagsu-subscribe dyan,” pahayag ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año nitong Sabado, Oktubre 28.

Idinagdag pa niya na hindi umano siya magdadalawang-isip na irekomenda ang total ban sa Tiktok kung may sapat na ebidensya na ginagamit ng China ang naturang app para sa cyberattacks nito laban sa Pilipinas.

“Hindi pa naman natin ‘yan sinasabi [na iba-ban ang TikTok sa Pilipinas]. Doon na lang muna tayo sa mga pamahalaan, opisina na involved sa security matters. At kung mayroon tayong makitang ibang development saka tayo magsasagawa ng adjustment,” sinabi ni Año.

Ipinag-utos na umano niya sa task force na pinamumunuan ni Assistant Director General Jonathan Malaya na pabilisin ang imbestigasyon sa Tiktok kaugnay sa posibleng data breaches.

Iginiit ni Año na patuloy na susuriin ng National Security Council ang naturang app upang siguruhin ang proteksyon sa mga tumatangkilik na Filipino maging ang government system.

“Inatasan natin si Assistant Director General Jonathan Malaya upang mag-submit ng report [kung] papaano ba ang gagawin natin ditong memo o polisiya para siguradong maprotektahan natin ang ating mga data, ‘yung ating digital system kasi [nakakadala] na ‘yung hacking na nangyayari,” ayon sa opisyal.

“Na-hack ang ating PSA, PhilHealth, kaya kailangan maghanda tayo dito,” dagdag ni Año.

Samantala, pinag-aaralan naman ng NSC ang pagbabawal ng TikTok sa uniformed personnel ng pamahalaan upang maiwasan ang posibilidad ng data leak.

Ilang bansa na ang nauna sa hakbang na ito ng pagbabawal sa China company-owned na TikTok na gamitin ng mga empleyado ng pamahalaan dahil sa pangamba na posibleng nagbibigay ng sensitibong datos ang naturang application para sa pamahalaan ng China. RNT/JGC

Previous articleCombat utility choppers inilaan sa NegOr sa BSKE
Next articleComelec naghain ng kaso vs alleged vote-buying facilitator