Home NATIONWIDE Bangkay ng ikatlong OFW na nasawi sa Israel-Hamas war dumating na sa...

Bangkay ng ikatlong OFW na nasawi sa Israel-Hamas war dumating na sa NAIA

MANILA, Philippines – Dumating na nitong Sabado, Oktubre 21 ang labi ng ikatlong overseas Filipino worker na nasawi sa bakbakan ng Israel at Hamas militants.

Mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex cargo terminal, ang labi ng biktima ay ibabiyahe patungong Negros Occidental Linggo ng hapon, Oktubre 22.

Tumanggi namang pangalanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang bangkay bilang respeto sa pamilya ng biktima.

Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, ang nasawi ay isang babaeng OFW na pinatay ng Hamas.

Ikinokonsidera siyang “modern-day hero” dahil hindi nito iniwanan ang matandang employer kasabay ng pag-atake.

“Ayon dun sa kuwento mismo ng kamag anak ng employer, ipinagtanggol niya at hindi iniwanan ang kanyang elderly Israel employer. Sinamahan niya kahit na meron siyang pagkakataon na makaalis,” sinabi pa ni Olalia.

“Tulong-tulong po ang lahat ng ahensya sa pagbibigay ng tulong, ng assistance dito sa nasawi natin na modern-day hero. Ang OWWA ay nagbigay ng assistance, ganon din ang DMW pati po yung ibang ahensya ay nagbigay din po,” pagpapatuloy niya.

Ang bangkay ng tatlo iba pang Filipino na nasawi rin sa Israel ay nasa proseso pa ng repatriation.

Samantala, iniulat naman ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na nasa 34 OFW na mula Israel ang nakauwi ng bansa.

Inaasahan na mayroon pang panibagong batch ng repatriates ang darating sa bansa ngayong araw ng Linggo.

“Yung situation sa Israel sabi ng ambassador alert level 2 pa rin meaning to say wala pa namang voluntary repatriation,” ani De Vega. RNT/JGC

Previous articleListahan ng business deals, investments sa Saudi visit, ibinalandra ni PBBM
Next articleKatatagan ng mga Pinoy sa Gaza kinilala ng PH ambassador