MANILA, Philippines- Natagpuan na ang katawan ng 3-anyos na lalaki na nahulog sa imburnal sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan Caloocan City.
Sa report ni Police Sub-Station 12 Commander P/Maj. Edsel Ibasco kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-3:15 ng hapon nang matagpuan ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang bangkay ng biktimang si Lucas Orongan, ng Phase 10-B, Package 6, Lot 11, Block 16, Brgy. 176 sa ilog na nag-uugnay sa mga Lungsod ng Caloocan at San Jose Del Monte Bulacan.
Sa ulat, naganap ang pagkahulog ng bata dakong alas-3 ng Sabado ng hapon sa Lot 23, Block 15, Brgy. 176 Bagong Silang habang naliligo sa malakas na buhos ng ulan, kasama ang mga kapatid, na ang pinakamatanda ay 5-taong gulang.
Palabas umano ng lansangan ang mga bata nang aksidenteng nahulog ang biktima sa maliit na butas ng imburnal sa eskinita sa naturang lugar at sa lakas ng agos ng tubig ay tinangay ang katawan nito at hindi na nakita ng mga kapatid kaya agad naman rumesponde ang mga awtoridad subalit hindi nila nahanap at nailigtas ang bata.
Nang makarating sa kaalaman ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pangyayari, iniutos niya sa mga tauhan ng CDRRMO, City Engineering Department (CED), Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD), at City Environmental and Management Department (CEMD) na tumulong sa paghahanap sa bata.
Linggo ng umaga nang simulang hukayin ng CED, gamit ang malalaking drilling equipment, ang kalsadang nag-uugnay sa imburnal upang hanapin ang bata hanggang tuluyang matagpuan ang kanyang bangkay. Rene Manahan