MANILA, Philippines- Maaaring managot ang holders ng bank accounts na nakatanggap ng unauthorized fund transfers mula GCash kung mapapatunayan na bahagi o kasabwat ang mga ito sa phishing scheme na naiulat noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla na ang malaking bahagi ng funds transferred mula sa GCash accounts ay napunta sa bangko nang matuklasan at mahuli ang phishing scheme.
“In this case, kung ma-te-trace natin ang may-ari nung dalawang accounts na ‘yun, possible sila ‘yung criminal ano, at kung pinapagamit lang nila ‘yung account nila, mayroon pa rin silang pananagutan,” ani Medalla.
Hindi naman pinangalanan ni Medalla ang dalawang bangko, subalit ang mga local lenders na Asia United Bank at East West Banking Corporation ay kapuwa nag-report na nakikipagtulungan na sila sa central bank para tugunan ang concerns na ito.
“Fortunately, mabilis ‘yung GCash na nalaman nila ‘yung dalawang accounts kung nasaan, at malaking bahagi nung nanakaw ay hindi naitakbo. In fact, ang sabi sa akin ‘nung dalawang bangko, since na-restore na ‘yung mga nawalan at since ginawa nila ‘yon, ‘yung pera sa account na ‘yon already nabalik sa GCash,” ayon kay Medalla.
“GCash already returned all the stolen money even though the deposit where the money went of course could not cover all of it. Nailabas na ‘yung iba eh,” aniya pa rin.
Samantala, ang GCash na mayroong 79 million users ay nakarehistro bilang isang non-bank financial institution electronic money issuer (EMI-NBMF).
Ang GXchange Inc., ang namamahala rito, isang wholly-owned subsidiary ng Mynt (Globe Fintech Innovations Inc.), ay kasosyo sa pagitan ng Globe Telecom Inc., Ayala Corp., at Ant Financial. Kris Jose