MANILA, Philippines – Dapat umanong may paninindigan sa Maharlika Investment Fund o MIF ang mga mamamayan na naglalagak ng salapi sa mga bangkong pag-aari ng pamahalaan.
Ito ang hamon ng opisyal ng Church People’s Solidarity sa gitna ng usapin sa Maharlika Fund.
Naunang pinagtibay ang MIF ng dalawang kapulungan ng Kongreso at inaasahang lalagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo kasabay ng nakatakdang ikalawang State of the Nation Address o SONA.
Ipinaliwanag ni Fr. Roel Gatchalian ng CWS na bukod sa walang pondo ang gobyerno ay umaabot din sa P14 trilyon ang pagkakautang ng bansa.
“Palagay ko yung mga nagdeposito sa mga bangko na ‘yan dapat din silang magkaroon ng ‘say’. Kasi pera ‘yan, hindi natin alam kung sino-sino ang mamahala ng Maharlika fund,” ayon kay Fr. Gatchalian ng CWS sa panayam ng Verita Pilipinas.
Kabilang sa pinagkasunduan ng Kongreso ang paglalaan ng pondo sa MIF na magmumula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, at Land Bank of the Philippines.
Bagama’t isa sa konsolasyon sa isasabatas na panukala ang absolute prohibition na hindi kukunin ang pondo sa Social Security System, Pag-Ibig Fund at Government Service Insurance System (GSIS).
“Maaring meron silang magandang intensyon, pero hindi napapanahon at saka hindi naman yan ang priority. Ang paggagamitan pa naman ng Maharlika investment ang infrastructure, mabagal yan and mabagal din ang return of investment,” dagdag pa ng pari.
Ayon sa pari, hindi napapanahon ang pagkakaroon ng MIF lalo’t mas maraming dapat paglaanan ng pondo ang gobyerno tulad ng food security at karagdagang trabaho para sa mga Filipino.
Hindi rin kumbinsido si Fr. Gatchalian sa urgency ng pagsasabatas ng minadaling panukala. Jocelyn Tabangcura-Domenden