BUTUAN CITY-PINANGANGAMBAHAN ngayon ni Socorro Mayor Riza Rafonselle Timcang, ang banta at panganib sa bayan na kanyang nasasakupan mula sa Socorro Bayanihan Services, Inc. na inakusahan ng kanilang mgag miyembro ng pang-aabuso makaraan magtipon-tipon ang mga ito para ipakita ang kanilang ipinaglalaban.
Sa pahayag ng alkalde nitong Lunes, hiniling niya sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na dagdagan ang kanilang pwersa para masiguro ang kaligtasan ng naturang bayan.
Aniya, base sa nakuhang CCTV noong Sept. 24 sa harap ng mga kamera sa telebisyon, ipinapakita ng SBSI ang tunay na banta at napipintong panganib ng pagtaas ng karahasan mula sa mga nabalisa na miyembro nito.
Dagdag pa ni Timcang, nagpapakita sa isang video na kumakalat sa social media ang pagtitipon ng daan-daang miyembro ng SBSI na naka-uniporme, maingay na sumisigaw ng hustisya hinggil sa gagawin imbestigasyon ng senado sa darating na Setyembre 28.
Makikita rin sa video ang pag-iyak ng pinuno ng SBSI na si Jay Rence Quilario habang galit na inireklamo ng kanyang mga miyembro ang umano’y malupit na pagtrato sa lalaking tinatawag din nilang “Senior Agila” at pinaniniwalaan nilang susunod na mesiyas.
Ang SBSI, ay may mahigit 3,000 miyembro na nakabase sa isang bulubunduking bahagi ng nabanggit na bayan. Kamakailan lamang ay nakakuha ito ng atensyon ng publiko matapos akusahan ng mga dating miyembro ang pamumuno nito ng panggagahasa, sapilitang kasal, sapilitang paggawa, iligal na droga at iba pang pang-aabuso sa karapatang pantao.
Ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs at ang Women, Children, Family Relations, at Gender Equality ang magsasagawa ng imbestigasyon.
“Nananawagan ako sa mga pinuno ng SBSI na hikayatin ang inyong mga miyembro na igalang ang panuntunan ng batas,” ani Timcang.
Hinikayat din ng alkalde ang mga residente ng bayan, lalo na ang mga nakatira sa labas ng SBSI, na manatiling kalmado at mapagbantay./Mary Anne Sapico