MANILA, Philippines – Nagsampa ng bagong murder charges laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, dalawang dating jail officials at apat na inmates dahil sa pagkamatay ng isang person deprived of liberty (PDL).
Sina Bantag, kanyang dating deputy na si Ricardo Zulueta at ex-BuCor official Victor Erick Pascua, at PDL Rolando Villaver, Mark Angelo Lampera, Charlie Dacuyan, at Wendell Sualog ay kinasuhan ng NBI sa pagkamatay ng isa pang preso sa New Bilibid Prison (NBP) na si Hegel Samson.
Nagalit umano si Bantag dahil sa mga post sa social media na ginawa ni Samson sa ilalim ng pseudonym na “Leon Bilibid” tungkol sa mga ilegal na gawain sa bilangguan.
Iginiit ni Villaver na tinanong siya ni Bantag tungkol sa isang indibidwal na gumagamit ng nasabing profile name sa social media at kung sino ang naglantad sa umano’y pagpupuslit ng mga kontrabando, kabilang ang alak, sigarilyo, iligal na droga, mobile phone at baril.
Kalaunan ay natukoy si Samson na nasa ilalim ni Villaver , na siyang ‘mauor’ ng Dorm 6A ng NBP.
Giit pa ni Villaver na inatasan siya ni Bantag ,Zulueta at Pascua na isagawa ang pagpatay ng maingat at walang naiiwan na bakas.
Idineklarang patay si Samson sa NBP Hospital noong Nov. 7, 2020, dahil sa heart attack.
Inako ni Villaver at iba pang inmates ang pagpatay kung saan sinabing nilagyan ng plastic bag ang ulo ng biktima.
Sa media briefing, sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inatasan ang NBI na imbestigahannang insidente.
“Pina-imbestigahan namin ito as early as last year. We asked the NBI to form a team,” sabi ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na si Bantag, na pinaghahanap din sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, ay hinihinalang humihingi ng tulong sa kapwa alumni ng Philippine National Police Academy. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)